Nais ni Pangasinan 5th District Rep. Kimi Cojuangco na maisabatas ang paggamit ng electronic money o “E-money” bilang instrumento ng komunikasyon sa Internet.
Batay sa House Bill (HB) 4914 o E-Peso Act of 2014 ni Cojuangco, binibigyang-diin ng panukala ang kawalan ng opisyal na paraan ng pagbabayad o currency para sa world wide web.
“What exists is a patchwork of methods using traditional credit systems, which act in place of money on the Internet. The E-peso is the electronic equivalent to the paper peso,” paliwanag ni Cojuangco.
Aniya, ang E-peso ay magiging legal tender at legal na bayad sa utang, buwis, produkto at serbisyo sa mga transaksiyon sa Internet.
Batay sa panukala, ang E-peso ay kikilalaning electronic legal tender at dapat na maging available sa lahat ng bangko sa bansa.
Inoobliga rin ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na pag-aralan ang “bitcoin and post bitcoin cryptocurrencies” na tutukoy sa teknolohiyang gagamitin ng E-peso. - Ellson A. Quismorio