Kaakibat ng katakut-takot na pagtuligsa sa nakadidismayang pamamalakad sa Philippine National Police (PNP), dumagsa rin ang mga kahilingan na ang naturang organisasyon ay dapat ipailalim sa kapangyarihan ng local government units (LGUs). Ibig sabihin, ipauubaya sa mga pinunong lokal ang pagtatalaga at pagdisiplina sa mga pulis. Ang nabanggit na kahilingan ay nag-ugat sa sunud-sunod na pagkakasangkot ng ilang miyembro ng PNP sa pagnanakaw at panghoholdap, pagkidnap at maging sa paggamit at pagbebenta ng mga illegal drugs. Bukod pa rito ang sinasabing pagkakamal nila ng mga nakaw na yaman mula sa pangongotong, pandarambong at illegal gambling.

Magiging katuwang nga ba ang LGUs sa paglipol ng naturang masamang gawain ng ilang miyembro ng PNP? Lalo pa kayang iigting ang paglilingkod ng mga pulis bilang tagapangalaga ng kaligtasan ng mga mamamayan?

Naniniwala ako na ang naturang pananaw ay taliwas sa inaasahan ng taumbayan. Maging si Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. - bilang chairman ng Committee on Local Government ng Senado – ay mahigpit na tumututol sa pagkontrol ng mga gobernador at mayor ng nasasakupan nilang mga pulis.

Maliwanag na ang paninindigan ni Senador Marcos ay nakaangkla sa batas na lumilikha sa PNP. Itinatadhana nito na ang Director General lamang ng naturang ahensiya ang may tuwirang pamamahala sa mga pulis; ang pangkalahatang pamamahala naman nito ay nasa hurisdiksiyon ng Department of Interior and Local Government (DILG). Magugunita na ang ganitong sistema ay batay naman sa mga patakaran na pinairal ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos hinggil sa ‘centralization of police force’ sa pambansang pamahalaan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Totoo, ang pagbibigay ng kapangyarihan sa LGUs upang pamahalaan ang mga pulis ay magbibigay-daan lamang sa paglikha ng kinatatakutang secret marshals at private army. Nasaksihan natin ang maraming pagkakataon na ang naturang mga alagad ng batas ay ginagamit ng mga pinunong lokal para sa kanilang sariling kapakanan; kabilang dito ang pamamaslang, pangungulimbat at iba pang criminal activities.

Kasumpa-sumpa ang ganitong mga gawain na hindi na dapat maulit.