Ni ELENA ABEN
Kababalik pa lang mula sa kanilang matagumpay na misyon sa Golan Heights, na roon ay nakasagupa nila ang mga rebeldeng Syrian, naatasan ang mga tauhan ng 7th Philippine Peacekeeping Contingent na magbigay seguridad kay Pope Francis sa pagbisita nito sa Pilipinas sa Enero.
Inahayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Gregorio Pio P. Catapang Jr. na dalawang batalyon ng sundalo ang tutulong sa pagbibigay-segurdad sa Papa.
“Ang malawak na karanasan ng mga peacekeeper sa ibang bansa ay maaari nilang magamit sa paglilingkod sa marami pang mga tao mula sa iba’t ibang sektor na inaasahang dadagsa sa Pilipinas upang masilayan ang Mahal na Papa,” pahayag ni Catapang.
“Naniniwala kami na magagamit nila ang kanilang karanasan sa peacekeeping operations sa Syria sa epektibong pagpapatupad ng seguridad para sa pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas,” dagdag ni Catapang.
Dumating ang mga miyembro ng 7th PCGH sa bansa noong Setyembre 19 hanggang 21.
Sa kasalukuyan, suspendido ang pagpapadala ng Pilipinas ng mga sundalo para sa peacekeeping operations sa Golan Heights bunsod ng lumalalang kaguluhan sa lugar.
Samantala, magsisilbing support unit ang dalawang batalyon ng sundalo sa puwersa ng Philippine National Police (PNP) na magbibigay-seguridad sa papal visit.
Sasailalim ang mga sundalo sa operational control ng PNP na naatasan na mamuno sa pangkalahatang seguridad sa apat na araw na pagbisita ng Santo Papa sa Pilipinas sa Enero 15-19, 2015.
Kabilang sa bibisitahin ni Pope Francis ang mga lugar sa Eastern Visayas na nasalanta ng bagyong ‘Yolanda’.