Mahigpit na susubaybayan ng Bureau of Immigration ang mga mamamayan ng Middle East na darating sa Pilipinas base sa ulat na nangangalap ng miyembro ang extremist group na Islamic State in Iraq and Syria (ISIS) sa bansa.
Sa isang kalatas, sinabi ni BI Commissioner Siegfried Mison na maging ang mga mamamayan na darating sa bansa mula Africa ay mahigpit din na binabantayan ng kanyang mga tauhan.
Partikular na hihigpitan ng BI ang mga entry procedure at pagmamanman sa mga pupuntahan ng mga pasahero mula sa Middle East.
Sakaling may pagdududa sa isang banyaga, sinabi ni Mison na isasalang ito sa secondary inspection.
Aniya, nakikipagkoordinasyon na ang Immigration Bureau sa International Police (Interpol) at intelligence community para makakuha ng listahan ng mga miyembro at taga-suporta ng ISIS.
Ito ay matapos maiult na ilang Filipino-Muslim ang umalis na ng Mindanao upang sumanib sa ISIS. - Jun Ramirez