Mga laro ngayon (Fil-Oil Flying V Arena):
11 a.m. -- Mapua vs. Letran (srs/jrs)
3 p.m. -- EAC vs. San Sebastian (jrs/srs)
Wala na sa kontensiyon, at “school pride” na lamang ang nakatakdang paglabanan ng apat na koponan ngayong hapon sa pagpapatuloy ng akisyon sa ikalawang round ng NCAA Season 90 men’s basketball tournament sa Fil-Oil Flying V Arena sa San Juan City.
Maghaharap sa pambungad na laro na sisimulan ng alas-11 ng umaga ang magkapaitbahay sa Intramuros na Mapua at Letran habang magtutuos naman sa tampok na laro ganap na ika-5 ng hapon, matapos ang dalawang juniors matches, ang Emilio Aguinaldo College at San Sebastian College.
Inaasahan pa ang forfeiture ng unang laro para sa Cardinals dahil suspendido ang halos lahat ng kanilang manlalaro makaraang masangkot sa nangyaring free-for-all sa nakalipas na laro nila ng Generals noong nakaraang Lunes.
Katunayan, apat na manlalaro lamang ng Cardinals ang hindi napatawan ng suspensiyon sa katauhan nina CJ Isit, Joseph Eriobu, Jessie Saitanan at Jesson Cantos.
Kabilang naman sa mga suspindido sina Leo Gabo (4 games), Jomari Tubiano (3), Justin Serrano (2), James Galoso (2), Exeqiel Biteng (2), Andrew Estrella (2), Jerome Canaynay (1), Ronnel Villasenor (1) at Darrel Magsigay (1).
Kapag nagkataon, aangat ang Knights sa barahang 7-9, panalo-talo para sa solong ikalimang puwesto habang malalaglag naman ang Cardinals sa barahang 4-12, panalo-talo, para sa ika-walong puwesto.
Hindi rin tiyak kung ilalaro ng Generals ang kanilang laban kontra Stags kahit pa makakakumpleto na sila ng limang players dahil tapos na ang 1-game suspension para sa manlalaro nilang si Faustine Pascual, ang natatanging player nila na nakakuha ng mababang parusa kumpara kina John Tayongtong (five games), Jan Jamon (3), Ariel Aguilar (3), Jack Arquero (3), Sydney Onwubere (3), John Santos (2), Manelle Quilanita (2) at Edsel Saludo (2).
Maari na siyang lumaro kasama ng apat nilang kakampi na hindi nakasali sa mga sinuspinde na sina Jerald Serrano, Christ Mejos, Ai Indin, at Jozhua General .
Gayunman, wala pang katiyakan kung sisipot ang Generals.
Kung muling ipu-forfeit ng EAC ang kanilang laro, aangat muli ang Stags na nakaahon na rin sa kinasadlakang 10-game losing skid matapos manalo sa nakaraang laro nila laban sa Lyceum sa kartadang 5-11, panalo-talo habang matatapos naman ang kampanya ng una sa taong ito sa barahang 4-14, panalo-talo.