Laro ngayon: (Samsan World Gymnasium)
2:00 pm Pilipinas vs Kazakshtan
Tuluyan nang nagpaalam ang Gilas Pilipinas sa medalya matapos mabigo sa mainitang laban kontra sa karibal at host South Korea, 95-97, sa single round sa quarterfinals ng 17th Asian Games basketball tournament sa Samsan World Gymnasium sa Incheon, Korea.
Hindi nasustenahan ng Pilipinas, naglaro ng All-Filipino matapos ibangko si naturalized player Marcus Dauthit, ang itinalang 16 puntos na abante sa ikatlong yugto, 65-49, at 7 puntos sa pagsisimula ng ikaapat at huling yugto, 78-71, upang malasap ang ikalawang sunod na kabiguan at magpaalam sa tanging dalawang puwesto na kailangan sa Group H.
Nagawa pa ng Pilipinas ang 82-76 na abante mula sa dalawang free throws ni Jimmy Alapag, na nagtala ng 25 puntos sa kanyang huling paglalaro para sa pambansang koponan, bago na lamang nakatikim ng ilang beses na sablay na nagbigay ng masaklap na kabiguan sa host Korea.
Mag-isang binitbit ni Taejong Moon ang Korea matapos ihulog ang 17 sunod na puntos sa kanyang kabuuang 38 puntos sa laro upang panatiliin na walang talo ang kanyang koponan at makisalo sa pangunguna sa kanilang grupo kasama ang wala din talong Qatar.
Dalawang sunod na tres ni Moon, na ang ikalawa ay naganap matapos ang kaduda-dudang foul na itinawag kay LA Tenorio, ang nagtabla sa iskor na 82, bago nito ibinigay sa Korea ang abante sa 86-84.
Nakalasap pa ng abante ang Pilipinas mula sa split free throw ni Tenorio, 89-88, may 1:18 pa sa laro, subalit umatake ang Korea sa 7-0 bomba upang agawin ang 89-95 abante na sinandigan nito tungo sa pagpapanatili sa malinis na 2-0 (panalo-talo) kartada.
Ang kabiguan ay ikatlong sunod ng Pilipinas matapos na maitala lamang ang panalo kontra sa India sa unang laro sa preliminary round.
Samantala, pilit na isasalba ng Gilas Pilipinas ang prestihiyosong pagsagupa sa kontrapelong Kazakshtan sa huling pagsalang nila sa laro sa single round.
Hindi makakalimutan ng Pilipinas ang pagkabigo sa Kazakshtan para sa tansong medalya may 12 taon na ang nakararaan kung saan ay ilang beses din silang nakalasap ng kabiguan sa kanilang paghaharap sa mga sinalihang internasyonal na torneo.
Matatandaan na tinalo ng Kazakshan ang Pilipinas para sa tansong medalya noong 2002 Asian Games sa Busan, South Korea, 66-68, matapos na mabigo rin ang pambansang koponan sa semifinals kontra sa host Korea mula sa isang buzzer-beater ng mga Koreano.
Dinagdagan ito ng Kazakshtan matapos na biguin ang binuong propesyonal na manlalaro ng Pilipinas sa pag-agaw sa unang tansong medalya sa kada apat na taong torneo.
Apat na sunod namang tinanghal na kampeon ang Pilipinas sa Asian Games simula noong 1951, 1954, 1958 at 1962.
Ang Pilipinas ay mayroong kabuuang 4 ginto, 1 pilak at 2 ginto para sa pangkalahatang 7 medalya sa basketball event.