Jodi-Sta.-Maria_ADOR-copy

FOLLOW-UP ito sa nasulat namin tungkol sa pagganap ni Jodi Sta. Maria bilang Ms. Amor Powers sa remake ng Pangako Sa ‘Yo na pagbibidahan nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.

Sa farewell/thanksgiving presscon ng Be Careful With My Heart sa pangungununa nina Jodi at Richard Yap, klinaro ng aktres na hindi siya ang gaganap na Amor Powers.

“Kinaklaro ko po kasi nakakahiya sa inoperan na, hindi po totoong ako ang gaganap na Amor Powers,” pahayag ni Jodi.

Marcoleta, pinigilang magtanong tungkol sa proposed ₱6.352-trillion 2025 nat'l budget

Sa one-on-one interview namin, tinanong namin siya kung inialok sa kanya ang naturang role.

“May sinabi pero hindi pa po kami nagkakausap. Magmi-meeting pa po kami kasi alam naman po ng ABS-CBN na after ng Be Careful With My Heart, gusto ko po munang magpahinga, gusto ko pong tumutok sa anak ko. Plano po naming mag-Pasko sa Amerika,” sagot ni Jodi.

Tinanggihan ba niya ang dating role ni Eula Valdes dahil na naiulat na balak niyang pagbabalik sa school para tapusin ang pagdodoktor?

“Hindi naman, kasi wala pa nga akong time, ang main reason ko ay gusto ko munang magpahinga kasi dalawang taon mahigit din ang BCWMH, so pahinga muna. Malalaman ko pa after ng meeting namin with the management (ABS-CBN).”

O hindi na ba niya type na maging suporta na lang dahil sa Be Careful With My Heart ay bida siya?

“Ay, hindi naman, hindi ako namimili ng role basta kaya ko, wala naman akong problema sa mga ganyan, ke support o hindi,” katwiran ng aktres.

Sino ang kasama niyang magbabakasyon sa Amerika?

“Si Thirdy, bakit?" may makahulugang ngiting sagot ng aktres sa amin.

Nakuha na kami ni Jodi sa maganda at malambing niyang ngiti, kaya hindi na kami nangulit.

Samantala, makulit ang source namin na nasa top five sa listahan ang pangalan ni Jodi para gumanap bilang Amor Powers. Pero dahil tumanggi na ang aktres, matunog daw ang pangalan ni Angelica Panganiban, bagay na pinagdedebatehan pa rin ng thinktank ng Dos kung pasado ito sa role ng sosyalera at ingleserang kontrabida.

Inamin ni Jodi na nalulungkot siya sa nalalapit na pagtatapos ng Be Careful With My Heart.

“Malungkot po talaga and at the same time, naging thankful din talaga ako sa Be Careful With My Heart sa mga oportunidad na nagawa sa career namin na lahat na nandito, nakaka-miss talaga for two years na ito ang ginagawa ko na every morning when I wake-up going to taping, then go home. Medyo may pagbabago lang na kailangang i-adjust,” pagtatapat ng aktres.

Kaya sobrang mami-miss niya ang buong cast ng programa na naging isang pamilya na.

Ang mami-miss nang husto ni Jodi ay ang pang-aasar ng kanyang ‘husband’ na si Sir Chief.

“Bihira lang siyang mangasar, pero sapul,” sabi ni Jodi na dinugtungan naman ni Sir Chief ng, “Medyo ano ‘yun, eh… private joke.”

Pinalagan agad ng loyal viewers ang pagtatapos ng Be Careful With My Heart sa Nobyembre 28, lalo na ang mga kaibigan at kamag-anak namin sa ibang bansa. Ibinalita nila na nag-iyakan sila, lalo na ang Lola Lilia Salonga namin sa Chicago, Illinois na ilang taon pa lang na nabibiyuda at ang panonood ng serye nina Sir Chief at Maya ang nagpapasaya sa kanya araw-araw.

“Maganda kasi ang kuwento ng Be Careful, ‘couz,” sabi ng pinsan naming si Rowena Salonga. “Si mama naiyak nang malaman niyang patapos na, kasi routine na niya ‘yun na hindi muna kakain hangga’t hindi tapos ang Be Careful. Maganda kasi ang kuwento, Filipino values kaya masarap siyang panoorin.”

Hindi lang naman TFC subscribers ang nalungkot, maging ang mga follower dito sa Pilipinas.

“Nakaka-good vibes kasi ang Be Careful… ayaw naming manood ng patayan, inggitan, siraan, kasi ito na ang nangyayari ngayon sa Pilipinas, eh, so iba naman sana. Ano raw ba ang ipapalit?”

Wala pa kaming natutunugan.