Pitong araw na lamang ang natitira bago magsara ang 17th Asian Games subalit patuloy pa rin na naghahanap ang Pilipinas sa unang gintong medalya mula sa ipinadalang 25 national sports associations (NSA’s).

Mula ng humataw ang kompetisyon, tanging 2 tanso at 1 pilak pa lamang ang nasusungkit ng Pilpinas para sa ika-21 puwesto sa medal standings na napakalayo sa asam na lampasan ang naiuwing 3 ginto, 4 na pilak at 9 na tanso noong 2010 edisyon.

Aasa ang Pilipinas sa natitirang sports na sasabakan sa huling pitong araw ng kompetisyon. Kabilang na ang athletics, canoe-kayak, cycling, softball, equestrian, karate, rugby, taekwondo, soft tennis at wrestling.

Kasalukuyan pang nasa aksiyon ang basketball, bowling, boxing, golf, sailing at lawn tennis.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Maliban sa wushu na siyang nakapagbigay ng natatanging tatlong medalya sa bansa, nabigo ang mga atleta sa archery, fencing, gymnastics, judo, rowing, shooting, swimming, triathlon at weightlifting.

Kahapon ay nasa ika-11 puwesto ang Pilipinas sa women’s doubles sa bowling matapos na magtala si Anne Marie Kiac ng 164-148-204-185-145-160 para sa 1006 pinfalls habang si Liza Clutario ay nagpagulong ng 204-204-176-258-179-188 para sa 1209 pinfalls tungo sa kabuuang 2215 pinfalls.

Nakatakda naman sumagupa sa men’s bantam (56kg) Round of 16 si Mario Fernandez na sasagupain si Puran Rain ng Nepal sa Eonhak Gymnasium na agad susundan ng sagupaan sa men’s light (60kg) Round of 16 nina Charly Suazes at Akhil Kumar ng India.

Asam naman ng golfers na makalapit sa Top 10 patungo sa huling dalawang round ng men’s individual at men’s team sa Dream Park Country Club, gayundin sa women’s individual at women’s team sa Round 2.

Hindi din nakatuntong sa finals ang mga swimmer na sina Jasmine Alkhaldi at Joshua Hall sa eliminasyon sa Munhak Park Tae-hwan Aquatics Center.

Tumapos sa ikaapat sa women’s 50m freestyle-heat 3 si Alkhaldi sa itinalang 26.35 segundo habang si Hall ay pumangalawa sa kanyang heat sa men’s 50m breaststroke sa oras na 28.67 segundo subalit nagkasya lamang bilang reserba.

Umaasa din ang lawn tennis men’s doubles sa kampanya nila sa ikalawang round kung saan kasagupa ng Pilipinas ang Macau, China sa Yeorumul Tennis Courts-Court 4. Sunod na sasabak ang mixed doubles second round kung saan ay makakatapat ng nationals ang Thailand.