Walang balak ang Palasyo na kumbinsihin si Philippine National Police (PNP) Chief Director General Alan LM Purisima na mag-leave sa gitna nang tumitinding alegasyon na pagkakasangkot nito sa iba’t ibang katiwalian.

Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, na kay Purisima ang desisyon kung dapat itong magbakasyon o hindi.

Kamakalawa, hinamon ni Senator Grace Poe ang hepe ng pambansang pulisya na magbakasyon upang hindi maapektuhan ang moral ng mga pulis sa iba’t ibang alegasyon ng umano’y katiwalian na kinasasangkutan nito.

“As in other cases, the question whether an official should go on leave or not in light of a particular issue is best addressed to the sound discretion of the official in question,” pahayag ni Valte.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Iginiit din ni Valte na dapat bigyan ng pagkakataon si Purisima, na nahaharap na sa dalawang kaso ng plunder, na linisin ang kanyang pangalan dahil sa kasalukuyan ito ay nasa labas ng bansa upang dumalo sa isang anti-kidnapping conference.

Agad namang dinipensahan ni Pangulong Aquino si Purisima na hindi ito gamol at nabubuhay lamang ito nang simple.

Nang tanungin ng mga mamamahayag kung lusot na si Purisima sa mga alegasyon, pahayag ni Valte: “Hindi naman po ganoon. Ang sinabi nga ng Pangulo, bigyan natin ng pagkakataong sagutin ‘nung taong pinararatangan.” - Genalyn D. Kabiling