Matapos pumasa sa ikatlong pagdinig sa Senado, hiniling ni Senador Antonio Trillanes IV kay Pangulong Benigno Aquino III na kaagad lagdaan ang panukalang batas na magdadagdag sa burial assistance ng mga beterano mula P10,000 sa P20,000.
Ayon kay Trillanes, chairman ng Senate committee on national defense and security, inendorso niya ang House Bill 694 sa ilalim ng Committee Report 57 bilang pagkilala sa makabayang paglilingkod ng mga beterano sa mga panahon ng digmaan at kapayapaan.
Nauna nang ipinasa sa ikatlong pagbasa sa House of Representatives ang HB 694 na magdadagdag sa burial assistance ng mga beterano mula P10,000 sa P20,000 sa pagsisikap ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) sa ilalim ni Administrator Ernesto Carolina at ng mga opisyal ng Department of National Defense (DND) na nagsidalo sa mga pagdinig.
Aminado si Trillanes na malaki ang naitulong ng mga taga-PVAO at DND para mabilis na makapasa sa Senado ang HB 694 sa kanilang paliwanag na ang burial assistance ng mga beterano ay huling dinagdagan may 20 taon na ang nakararaan sa ilalim ng Republic Act 7697 (An Act Standardizing and Upgrading the Benefits for Military Veterans and their Dependents).
“Nararapat lamang ang benepisyong ito para sa ating mga beterano na nagtaya ng kanilang mga buhay upang protektahan ang ating kalayaan at demokrasya,” ani Trillanes. “Kailangan din ang desenteng libing para sa mga kawal na nakauniporme na nagtanggol at lubos na naglingkod sa ating bayan.”
“Bagamat hindi sapat ang halagang ito para sa paglilibing sa mga minamahal nating beterano, umaasa ako na makatutulong ito sa kanilang mga pamilya sa panahon ng pangangailangan,” dagdag ni Trillanes na dating opisyal ng Philippine Navy. “Kaya umaasa tayo na kaagad aaksiyunan ng Pangulo ang panukalang batas na ito para suportahan ang ating mga beterano.”