Inihayag ng Department of Labor and Employment (DoLE) na pinakilos na ng kagawaran ang quick response team (QRT) nito sa Bicol Region upang matukoy ang bilang ng mga manggagawa na naapektuhan sa pagsabog ng Bulkang Mayon.

Sa isang panayam, sinabi ni Labor and Employment Secretary Rosalinda Baldoz na tutukuyin ng DoLE-Region 5 ang mga manggagawa na nawalan ng kabuhayan o trabaho matapos na ilikas ng pamahalaang panglalawigan ng Albay mula sa kanilang mga bahay.

“Pinakilos na namin ang aming mga QRT para tingnan ang sitwasyon,” ani Baldoz.

Sinabi ng kalihim na hinihintay na lang niya ang inisyal na report mula sa DoLE-Region 5 bago pagkalooban ng ayuda ang mga apektadong manggagawa.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

“Gagamitin namin ang aming budget upang matulungan sila sa pamamagitan ng emergency employment o livelihood,” sabi ni Baldoz.

Sa ilalim ng emergency program, bibigyan ang mga benepisyaryo ng mga pansamantalang trabaho, mula sa paglilinis sa mga nasirang kalsada o pagkukumpuni sa mga napinsalang istruktura upang magkaroon sila ng pagkakakitaan.

Una nang iniulat ni Albay Gov. Joey Salceda na inilikas ng pamahalaang panglalawigan ang 31,903 residente sa anim hanggang walong kilometrong danger zone sa paligid ng Bulkang Mayon. - Samuel P. Medenilla