Pinasalamatan ng abogado ni Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. ang whistleblower sa pork barrel scam na si Merlina Sunas bunsod ng kanyang testimonya sa korte na hindi niya personal na nakita na tumanggap ang mambabatas ng komisyon mula sa kontrobersiyal na pondo.

“So, para sa amin, nagpapasalamat kami kay Mrs. Sunas sa kanyang tulong sa depensa ni Senador Bong Revilla ,” pahayag ni Atty. Joel Bodegon matapos ang pagtestigo ni Sunas sa Sandiganbayan First Division.

Sa pagdinig sa bail petition ni Revilla at kanyang kapwa akusado na sina Atty. Richard Cambe at umano’y pork barrel mastermind Janet Lim Napoles, inamin ni Sunas sa cross examination ni Bodegon na hindi niya nakita ang senador na tumanggap ng salapi nang ipalabas ang kanyang Priority Development Assistance Funds (PDAF) para sa mga non-government organization (NGO) ni Napoles.

Subalit sinabi ni Sunas sa korte na personal niyang nakita si Cambe, staff member ni Revilla, na tumanggap ng komisyon para sa senador nang apat na beses sa loob ng tanggapan ng JLN Corporation sa Ortigas, Pasig na pagaari ni Napoles.

Malaca<b>ñang sa umano'y pagtakbo ni VP Sara sa 2028: 'It's her privilege'</b>

Noong 2006, sinabi pa ng testigo na dalawang beses din tumanggap si Cambe ng tig-P5 milyon na personal na iniiabot ni Sunas sa abogado na nasaksihan din umano ng kapwa whistleblower na si Benhur Luy.

Matapos ang dalawang taon, sinabi ni Sunas na dawalang beses ding nagbigay si Luy kay Cambe ng P5 milyon at P10 milyon.

Nang tanungin ni Sandiganbayan Third Division Associate Justice Rodolfo Ponferrada kung paano niya inabot ang komisyon kay Revilla, sinabi ni Sunas na narinig niya sa pag-uusap ni Napoles at Revilla sa telepono na kinumpirma ng mambabatas na natanggap na niya ang salapi. - Jeffrey G. Damicog