Nakahanap ng pribadong kompanya ang Philippine Girls Youth Volleyball Team na susuporta sa koponan sa pagsagupa sa Asian Volleyball Confederation (AVC) Asian Youth Girls U-17 Championship sa Oktrubre 11 hanggang 19 sa Nakhon Ratchasima, Thailand.

Sinabi ni Philippine Volleyball Federation (PVF) secretary general Dr. Rustico “Otie” Camangian sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum sa Shakey’s Malate na susuportahan ni Engr. Mariano See T. Diet, may-ari ng isang kompanya ng construction, ang koponan.

“Nakahinga na kami ng maluwag dahil sa suporta ni Engr. Diet para sa mga bata. We are expecting these girls to be the future of our national volleyball squads, “ sinabi ni Camangian, kasamang dumalo sa forum ang coach ng U17 na si Jerry Yee at ang national volley team manager na si Edgar Barroga.

Umaasa naman ang PH girls youth volley team sa isang magandang kampanya sa pagbabalik sa torneo matapos ang mahabang panahon na pamamahinga.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Sinabi ni Camangian na ito ang unang pagkakataon matapos ang anim na taon na muling sasabak ang youth team na tumapos lamanh na nasa ika-11 noong 2008 kung saan isinagawa ang torneo sa Philsports Arena.

“We placed 11th out of 16 teams. We hope to surpass that considering this will be the first time the PVF will be sending a national squad to an international meet under the leadership of president Karl Chan,” pahayag ni Camangian.

“We’re looking to make the quarterfinals because we want to maximize the exposure of the team,” sinabi pa nito.

Nakabilang naman ang Pilipinas sa Pool C kasama ang powerhouse China, India, at Australia. Magkakasama sa Pool A ang host Thailand, Hong Kong at New Zealand habang nasa Pool B ang nagtatanggol na kampeong Japan, Kazakhstan at Vietnam. Nasa Group D ang Chinese Taipei, Korea at Iran.

Hangad naman ni Yee na maipakita ng koponan ang tibay at tatag sa pakikipaglaro kontra sa Chinese, bukod pa sa Australians at Indians.

“We’re hoping to be competitive against India and Australia. We want to utilize our speed, because the smaller you are, the quicker a team you should be,” giit ni Yee.

“Ang India kasi nagpatayo ng sarili nilang volleyball academy kaya asahan natin na mahigpit ang laban habang halos even tayo sa Australians.”

Ang 14-man youth team ay binubuo nina Ezra Gyra Barroga, Rica Diolan, Justine Dorog, Christine Dianne Francisco, Ejiya Laure, Maristela Geen Layug, Kristine Magallanes, Nicole Anne Magsarile, Maria Lina Isabel Molde, Jasmine Nabor, Faith Janine Shirley Nisperos, Roselyn Rosier, Alyssa Marie Teope at Catlin Viray. Tatayo si Engr. Diet bilang team manager, habang si PVF president Geoffrey Karl Chan ang siyang head of delegation.

Ang dalawang koponang may magandang karta sa bawat pool ang uusad sa quarterfinals habang ang mapapatalsik ay maglalaro sa classification phase.

Ang mangungunang dalawang koponan, matapos ang torneo, ang magpiprisinta naman sa rehiyon ng Asya sa gaganaping World Youth Girls U-17 Championship.