Kinalampag kahapon ng mga urban poor group ang Commission on Audit (CoA) upang ilabas ng ahensya ang buo nilang audit report sa P50 bilyong Informal Settler Fund (ISF).
Paliwanag ni Kalipunan ng Mamamayang Mahihirap (Kadamay) Secretary General Carlito Badion, ang nasabing pondo ay inilaan ng pamahalaan upang gastusan ng National Housing Authority (NHA) ng P10 bilyon kada taon sa loob ng limang taon ang pagpapatayo ng mga bahay para sa mga informal settler sa Metro Manila.
“Almost three years since its first release in October 2011, the fund could have reached more than P20 billion yet we are not feeling any improvement in the housing condition of the poor,” ayon kay Badion.
Matatandaang noong Hunyo ay naghain ng resolusyon sa Kongreso ang mga partylist group upang hilingin sa Committee on Housing and Urban Development na imbestigahan kung paano ginastos ng NHA, Social Housing Finance Corp. at ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang P50 bilyon para sa relokasyon ng 104,219 pamilyang informal settler na nakatira sa mga danger zone sa National Capital Region (NCR).
Binanggit sa resolusyon na aabot sa kalahati ng tinukoy na pondo o P27.5 bilyon ang ginastos sa loob ng tatlong taon mula noong 2010 kung saan inilaan P10 bilyon, P10 bilyon noong 2012 at P7.5 billyon noong 2013.
Binatikos din ni Badion ang CoA dahil pinipili lamang nito ang mga kritikal sa gobyerno at pinapaboran lamang umano nito ang mga kaalyado ng pamahalaan sa kanilang audit report.