Pinapipigil ni Albay Governor Joey Salceda sa Korte Suprema ang pagpapatupad ng memorandum circular at joint administrative order na nagbabawal sa mga bus mula sa Bicol at Southern Tagalog Region sa pagpasok sa EDSA.
Sa petition for prohibition and mandamus, hiniling ni Salceda na magpalabas ang Korte Suprema ng temporary restraining order (TRO) laban sa pagpapairal ng Memorandum Circular Numbers 2014-015 at Joint Administrative Order No. 2014-01 ng Department of Transportation (DoTC), Land Transportation and Franchising Board (LTRFB) at Land Transportation Office (LTO).
Alinsunod sa mga kinukuwestiyong kautusan, ang mga provincial bus na manggagaling sa Southern Luzon patungo sa Metro Manila ay makabibiyahe lang hanggang sa itinakdang terminal sa South Station sa Alabang, Muntinlupa simula noong Agosto 27.
Ayon kay Salceda, malinaw na may pag-abuso sa pagpapalabas ng circular at joint administrative order dahil mangangahulugan ito ng dagdag-pasahe at inconvenience para sa mga pasahero na manggagaling sa Bicol.
Naniniwala rin ang petitioner na ang nasabing mga hakbang ay hindi naman makababawas sa mabigat na daloy ng trapiko sa EDSA.
Maaapektuhan din maging ang pakikipagkalakan ng Bicol sa Maynila na itinuturing na lifeblood ng rehiyon.
Pinangalanang respondent sa petisyon sina LTFRB Chairman Winston Ginez, MMDA Chairman Francis Tolentino at Muntinlupa Mayor Jaime Fresnedi.