Ni LIEZLE BASA IÑIGO

LINGAYEN, Pangasinan – Inihayag kahapon ni Gov. Amado Espino Jr. ang dalawang araw na suspensiyon ng klase sa Pangasinan National High School sa Lingayen, upang mabigyan ng panahon ang recovery ng mga guro at estudyante na na-trauma sa pamamaril sa loob ng eskuwelahan noong Lunes, na ikinamatay ng apat na katao at ikinasugat ng tatlong iba pa na pawang guro.

Bandang 4:00 ng hapon nang mangyari ang mamaril ang nag-iisang suspek sa loob ng Pangasinan National High School campus sa bayang ito, na agad na ikinamatay ng tatlong katao.

Sa report mula kay Supt. Rolly Saltat, hepe ng PCR Branch ng Regional Police Office, kinilala ang mga nasawi na sina Florenda Flores, nasa hustong gulang, may asawa, guro sa Alternative Learning System (ALS) sa Labarador National High School, at residente ng Libsong East, Lingayen; Asedelo Sison, nasa hustong gulang, may asawa, guro, ng Alvear Street, Lingayen; Linda Sison, guro; at Jonalito Urayan, kolektor, may asawa, ng Gabon, Calasiao.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Sugatan naman sina Ferdinand Entimano, Jovito Jimenez at Juiet Molano, pawang guro ng Pangasinan National High School.

Ang mga suspek ay sina PO3 Domingo Alipio, ng Anda Police; at Oliver Ganigan, driver na naaresto at nasa kostudiya na ng Lingayen Police.

“Si Urayan ang grabe ang tama dahil siya ang talagang pinag-initan ni Alipio dahil hindi ito nag-remit ng tamang koleksiyon na bayad ng mga guro,” ayon sa imbestigador.

Ikinalulungkot naman ng gobernador na isang pulis-Pangasinan ang suspek sa krimen. Nagpapautang umano ng 5-6 ang pulis sa mga guro na may 10 porsiyentong buwanang interes.

Batay sa nakalap na impormasyon, nasa P3 milyon ang naipautang ng suspek sa 38 guro ng Pangasinan National High School, at kung kukuwentahin kasama ang interes ay aabot na umano ito sa P5 milyon.