UNTI-UNTING gumagawa ng pangalan bilang isang de-kalidad na aktor si Dennis Trillo. Sa indie movie na The Janitor ay pinuri ng mga kritiko ang kanyang makabuluhang pagganap.
Napapansin ang sobrang pagiging mapili ng Kapuso actor sa pagtanggap ng proyekto telebisyon man o pelikula.
Heto ang paliwanag ni Dennis, na kinilala rin sa mapangahas niyang hakbang nang lumabas bilang beki sa My Husband’s Lover.
“Mapili ako in the sense na ayaw kong mag-ulit ng role hangga’t maiiwasan dahil madali kang pagsawaan kung paulit-ulit mo itong gagampanan. I don’t want that to happen to me. May advantage ang paglabas sa indie films dahil wala itong formula na sinusunod at hindi ito predictable. Nakakalungkot nga lang at pili lang ang nakaka-appreciate ng indie films kahit sabihin pang nagtatamo ito ng maraming parangal sa international film festivals.”
Inihayag din ng aktor ang pangarap niyang maging ultimate contravida kagaya ng karakter ng Spanish actor na si Javier Bardem (asawa ni Penelope Cruz) na hinangaan nang husto sa pelikulang Country For Old Men.
Gayunpaman, fulfilled si Dennis sa bago niyang teleserye sa Kapuso network, ang Sa Puso ni Dok. Isa siyang barrio doctor sa six part mini-series hinggil sa mga sakripisyo at suliraning dinadanas ng mga barrio doctor sa pagtupad sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Ginagawa na rin nila ni Kris Bernal ang Hiram Na Alaala na ayon sa GMA-7 ay ikinakasa bilang pampalit kapag nagtapos na ang Ang Dalawang Mrs. Real. (REMY UMEREZ)