Sabog ang nguso, may mga pasa sa likurang bahagi ng katawan, leeg at batok ang isang 10-anyos na batang lalaki na pinagtulungang gulpihin ng kanyang ama at madrasta na nagalit sa tagal niyang bumili ng spaghetti sa Valenzuela City, kamakalawa ng umaga.
Sa panayam kay P/ Inspector Josephine Dalumpines, head ng Women’s and Children Desk (WCD), nagpapagaling sa mga tinamong sugat ang biktima na itinago sa pangalang “Alvin,’ residente ng Abalos Bukid, Compound, Barangay Gen. T. De Leon ng nasabing lungsod.
Abut-abot naman ang pagsisisi ng tatay ni Alvin na si Nathaniel Saulog, 35, at madrasta nitong si Eden Encio, 23, na ngayon ay nakakulong matapos kasuhan ng Physical Injuries in Relation to RA 7610 (Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination Act).
Sa salaysay ng biktima kina PO1 Rose A. Planas at PO2 Maria Luisa Casandra F. Pabadora ng WCD, dakong 6:00 ng umaga inutusan siya ni Encio na bumili ng spaghetti.
Natagalan si Alvin dahil walang tinda sa dati nitong binibilhan at pag-uwi ng bahay ay nagalit ang kanyang madrasta lalo na nang hindi nagustuhan ang lasa ng spaghetti.
Dito na siya pinagpapalo ng sinturon na may bakal sa likod ng madrasta at pagkatapos ay inutusan na puntahan ang ama na namamasada ng tricycle. Pag-uwi ng bahay, nagsumbong si Encio sa ama ni Alvin at sinapak siya nito sa nguso.
Pasado 12:00 ng hatinggabi, nakita ng mga barangay tanod ng Marulas si Alvin na duguang natutulog sa daan . - Orly L. Barcala