Walang malasakit ang pamahalaaan sa taumbayan sa usapin pa rin ng pag-aayos ng transportasyon, partikular na ang Metro Rail Transit (MRT).
Ito ang naging pahayag ni Senator Grace Poe sa isinagawang public hearing sa Senado kung saan pinayuhan nito si Department of Transportation and Communication (DoTC) Secretary Joseph Emilio Aguinaldo Abaya na ipamalas ang kanilang malasakit sa taumbayan habang wala pa ang mga biniling bagon.
Personal na naranasan ni Poe noong Biyernes ang sumakay sa MRT mula North Avenue Station sa Quezon City, hanggang sa Taft Avenue Station sa Pasay City.
Aniya, dapat na magkaroon ng refund o voucher na ipapahagi sa mga pasaherong naapektuhan ng pagkasira ng operasyon ng MRT upang sa kanilang muling pagsakay ay magamit ang naturang refund.
“This is a part of the services, hindi puwede na ‘TY (thank you) na lang’ o ‘sorry bumaba na lang kayo,’ ” ayon kay Poe.
Hiniling ng senadora na dapat may mga payong ang MRT na ipinamamahagi ng mga tauhan nito sa mga nakapila sa init ng araw at maging sa tag-ulan ay ibabalik ito kapag malapit na sa counter o teller ng MRT.
“Ang mga payong ay puwedeng ipahiram sa kanila; ipakita nila na may malasakit sila dahil mahaba na ang kanilang pasensya, ipakita naman ninyo sa kanila na habang wala ang ipinapangakong mga tren, meron kayong ginagawa. Gusto ko lang makita ng taumbayan na may malasakit ang gobyerno natin,” dagdag pa ni Poe.
Sinabi naman ni Abaya na nagsagawa na sila ng konsultasyon sa Land Transportation Franchising & Regulatory Board (LTFRB) na magkaroon ng MRT bus upang magsakay ng mga pasahero na naiipit sa mahabang pila at kakausapin din nila ang Commission on Audit (COA) kung paano maibabalik ang bayad ng mga pasahero sa pamamagitan ng refund voucher. - Leonel Abasola