Nanawagan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa mga Diocese at Archdiocese ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas na magsagawa ng special collection bilang tulong sa mga biktima ng karahasan ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, pangulo ng CBCP, hindi sapat ang pag-aalay lang ng panalangin para sa mga biktima.
Aniya, mas mahalaga pa rin ang pagkakaloob ng tulong pinansiyal sa mga inuusig na Christian minorities sa Iraq.
Sinabi ni Villegas na ang malilikom na pondo mula sa second collection ay ipadadala sa tanggapan ng CBCP, na magpapadala naman nito sa Iraq at Syria.
Iginiit pa ni Villegas na tungkulin ng bawat Katoliko mula sa iba’t ibang bansa na tulungan at kalingain ang mga Katoliko sa Iraq at Syria na walang tahanan at kinakapos sa pagkain.
“I appeal to our Filipino bishops take up a collection for the needs of the suffering Christians in Iraq and Syria. These collections will be sent to the CBCP that will see to their remittance to the ecclesiastical jurisdictions of Syria and Iraq. While we have our own projects in the Philippines, we cannot put these ahead of the suffering of Christians in that troubled part of our world.” bahagi ng pahayag ni Villegas.
Nanawagan din si Villegas sa lahat na sama-samang ipagdasal ang mga biktima ng Islamic persecution sa Iraq.