Tila magiging “beauty contest” ang susunod na komperensiya ng Philippine Super Liga (PSL) sa pagdating ng mga nagtatangkaran at naggagandahang manlalaro na mula sa Russia, Brazil at Unites States sa paghataw ng Grand Prix sa Oktubre sa Cuneta Astrodome.

Sinabi ni PSL President at SportsCore chief Ramon “Tatz” Suzara, bago magtungo sa FIVB World Men’s Grand Prix, na nakahanda na ang pitong koponan na nakapili na rin ng kanilang mga import na magsasagupa sa ikalawang komperensiya ngayong taon.

“One confirmed player from the US is their former Ms. Oregon that competed in the Miss USA,” sinabi ni Suzara.

“We will have also very sultry and attractive Brazilians and tall, gorgeous Russians in the teams. Ayaw ko muna silang bigyan ng pangalan at hayaan ko na lang silang makita ng supporters ng liga on the competition day,” giit pa nito.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

Inihayag ni Suzara na ipaparada ng Cignal HD Spikers, huling nagtapos sa nakalipas na All Filipino Conference, ang dalawang Russians sa hangad na makasungkit ng mailap na korona matapos ang dalawang beses na pagiging runner-up sa liga noong nakaraang taon.

Bibitbitin naman ng Petron Blaze Spikers ang dalawang naggagandahang Brazilians sa asam din na mapaangat ang kanilang kinapos na kampanya sa All-Filipino Conference upang itambal sa numero unong dtaft pick na si Dindin Santiago patungo sa kampeonato.

Ang AirAsia, dadalhin ang bagong pangalan, ay aasa sa mga manlalaro na mula sa Estados Unidos, gayundin ang RC Cola Raiders, PLDT Home TVolution, Cagayan Valley Lady Rising Suns at ang tatlong sunod na tinanghal na kampeon na Generika-Philippine Army.

“Gustong makabawi ng mga lower rank teams last conference kaya we expect na hindi lang talent ang makikita ng ating mga supporter kundi beauty din,” dagdag ni Suzara.

Minamataan din na magiging hitik sa aksiyon ang torneo para sa kalalakihan sa pagkuha ng mga mahuhusay na manlalaro sa iba’t ibang liga sa ibang bansa.

Asam ng PLDT Home TVolution-Air Force Power Attackers ang ikatlong sunod na korona habang pilit na aagaw ng pansin ang Cignal HD Spikers, Instituto Estetico Manila Phoenix Volley Master, Systema Active Smashers at ang Via Mare Voyagers.