KAILAN nga kaya eere ang sinasabing Inday Bote serye nina Nash Aguas at Alexa Ilacad?

Naiinip na kasi ang fans ng dalawa dahil ang tagal-tagal daw at maunahan pa ng ibang love teams.

Nakarating na siguro ang hinaing na ito ng fans sa ABS-CBN management, kaya muli munang ibinalik sina Nash at Alexa sa Wansapanataym simula ngayong Sabado at bukas (Linggo) para sa bagong month-long special nito na pinamagatang "Perfecto”.

National

Gatchalian kay Guo: 'See you tomorrow, sana magsabi ka na ng totoo!'

Makakasama nina Nash at Alexa ang sumisikat na boy group ng ASAP 19 na Gimme 5.

Sa kuwento ng “Perfecto” ay gagampanan ni Nash ang karakter ni Perry, isang binatilyong walang ibang hangarin kundi ang maging perpekto para sa kanyang ina at sa kanyang hinahangaan na si Kylie (Alexa). Dahil sa kanyang mga kahinaan, determinado si Perry na gawin ang lahat ng paraan para maabot ang kanyang pangarap.

Ano ang kayang isakripisyo ni Perry kapalit ng hinahangad niyang perpektong buhay? Ano ang mga pagdadaanan niya upang matutunan na mas mahalaga ang kagandahan ng kanyang kalooban kaysa sa lahat ng karangyaan?

Kasama rin sa “Perfecto” sina Matet de Leon, Vandolph Quizon, Candy Pangilinan, at ang mga miyembro ng Gimme 5 na sina John Bermundo, Joaquin Reyes, Brace Arquiza, at Grae Fernandez mula sa panulat ni Joel Mercado at sa direksyon ni Onat Diaz handog naman ng Dreamscape Entertainment Television.