Tatanggap ng umento ang mga minero sa Caraga makaraang magpalabas ang Department of Labor and Employment (DoLE) ng bagong wage advisory sa rehiyon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Labor and Employment Secretary Rosalinda Baldoz na nagpalabas ng bagong advisory ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) na nagpapatupad ng two-tier wage system (TTWS) sa minahan sa Caraga.
Sa ilalim ng TTWS, tatanggap ang mga manggagawa ng mandatory floor wage at boluntaryong insentibo.
Sinabi ni Baldoz na bagamat boluntaryo, sa pamamagitan ng bagong wage advisory ay mahihikayat ang mga mining company at kanilang mga manggagawa na bumuo ng isang “productivity improvement program,” na magkakaloob sa mga empleyado ng “productivity bonuses”.
Aniya, ito ay maaaring sa paraan ng production incentive scheme, zero-accident incentive scheme, longevity incentive scheme at attendance incentive scheme.
Ang mga establisimyento naman na magpapatupad ng TTWS ay babawasan ang bayaring buwis sa pamamagitan ng “special deduction from their gross income equivalent” ngunit kailangang ito ay “over and above the total allowable ordinary and necessary business deductions for said bonuses allowed by the BIR.” - Samuel P. Medenilla