Brad Pitt, Angelina Jolie

LOS ANGELES (AFP) – Ikinasal na sa wakas ang Hollywood power couple na sina Angelina Jolie at Brad Pitt na siyam na taon nang nagsasama, sa isang inilihim na seremonya sa katimugang France na inilarawan bilang napakapribadong “family affair” kasama ang kanilang anim na anak.

Ang A-list Oscar winners ay ikinasal ng isang American judge noong Sabado sa isang maliit na kapilya sa Chateau Miraval, isang picturesque village sa Correns, ayon sa tagapagsalita ng Tinseltown royal couple.

Kabilang si George Clooney sa mga kaibigang celebrity na bumati sa bagong kasal. “I'm really happy for Brad and Angie and their whole family,” sabi ng 53-anyos na binata, na nagpahayag nitong Abril ng kanya namang engagement.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Inihatid si Angelina ng kanyang pinakapanganay na mga anak na lalaki na sina Maddox at Pax. Nagsaboy naman ng petals ang mga anak nilang babae na sina Zahara at Vivienne, at ring bearers ang dalawa pa nilang anak na sina Shiloh at Knox.

“It was very much a family affair,” saad sa pahayag ng tagapagsalita ng power couple.

Kinuha nina Brad, 50, at Angelina, 39, ang kanilang marriage license sa California mula sa isang lokal na hukom na nagbiyahe sa France para pangunahan ang seremonya, na inilarawan bilang isang “non-denominational civil ceremony.”

Nagkakilala at nagkahulihan ng loob sina Brad at Angelina habang ginagawa ang pelikulang Mr & Mrs Smith noong 2005—na nagpasimula sa media phenomenon na “Brangelina” at mistulang naging opisyal na tawag sa pareha sa celebrity journalism.

Noong unang bahagi ng taong ito ay sinabi ni Angelina sa People Magazine na siya at si Brad ay “not really in a rush” para magpakasal, at idinagdag na: “We're just waiting for it to be the right time with the kids, with work, when it feels right.”

Umaasa si Angelina — anak ng Oscar-winning actor na si Jon Voight — na magiging masuwerte na siya sa pag-aasawa sa ikatlong pagkakataon: una siyang ikinasal sa mga aktor na sina Jonny Lee Miller at Billy Bob Thornton.

Nagbida sa magkakaibang role sa Maleficent, Lara Croft: Tomb Raider at A Mighty Heart, inamin ni Angelina noong nakaraang taon na sumailalim siya sa double mastectomy upang mabawasan ang panganib niya sa breast cancer, na umani ng papuri at suporta.

Matagal siyang nagsilbi bilang goodwill ambassador sa United Nations High Commissioner for Refugees hanggang na-promote siya noong 2012 bilang special envoy at binisita ang napakaraming refugees sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Samantala, tatlong beses na nakakuha ng Oscar nomination si Brad sa Twelve Monkeys (1996), The Curious Case of Benjamin Button (2009) at Moneyball (2012), pero ngayong taon lang nakapag-uwi ng Academy Award bilang isa sa mga producer ng best picture na 12 Years a Slave.

Unang ikinasal si Brad kay Jennifer Aniston, na nauwi rin sa hiwalayan ilang buwan makaraang magkatrabaho sina Angelina at Brad.

Tinatapos ngayon ng super couple ang By the Sea, ang muli nilang pagtatambal sa pelikula pagkatapos ng Mr & Mrs Smith. Sa Malta gagawin ang pelikula.

Anak ng ngayon ay mag-asawa nang sina Brad at Angelina sina Maddox, 13; Pax, 11; Zahara, 9; Shiloh, 8; at ang anim na taong kambal na sina Knox at Vivienne. Adopted ng dalawa sina Maddox, Pax at Zahara.

Tungkol sa kanyang buhay kasama si Brad at ang kanilang mga anak, sinabi ni Angelina sa People noong Mayo: “We've been through so much, we've gotten a lot closer, which I think naturally happens with raising a family together.”

“You have this person you live with who really knows you, and you know them so well. You're not lovers or boyfriend and girlfriend as much as you are a family,” dagdag ni Angelina.