Pinigil ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng desisyon ng Court of Appeals (CA) na pumapabor sa pagpapalawig ng rehabilitation plan ng bangkaroteng College Assurance Plan (CAP).

Ito ay sa pamamagitan ng temporary restraining order (TRO) na ipinalabas ng Supreme Court (SC) Second Division laban sa desisyon noong Hunyo 18, 2014 ng CA na pumabor sa kautusan ng Makati City Regional Trial Court (RTC) Branch 149 noong September 5, 2013 na nagpapalawig ng tatlong taon sa rehabilitation plan ng CAP at nagapruba sa kanilang 2012 Revised Rehabilitation Plan.

Inilabas ng SC ang TRO kasunod ng petition for review on certiorari na inihain ng Securities and Exchange Commission (SEC) at Insurance Commission.

Ayon sa Kataas-taasang Hukuman, posible kasing magdulot ng “irreparable at serious damage” sa mga plan holder ang pagpapatupad ng revised rehabilitation ng CAP, at maaari ring mabalewala ang kapangyarihan o authority ng Insurance Commission sa CAP Pension.

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

Kasabay nito, inatasan ng Korte Suprema ang CAP na maghain ng komento sa petisyon sa loob ng 10 araw.

Una nang inaprubahan ng Makati court ang rehabilitation plan ng CAP para maibalik ang kalahati ng gross contract price na naibayad ng mga plan holder, at ang kikitain nito mula sa redevelopment project ay ipamamahagi rin sa mga plan holder. Pero tinutulan ng SEC at ng Insurance Commission ang redevelopment project dahil sasakupin nito pati ang mga properties ng CAP Pension na isang hiwalay na kompanya.

Dumanas ng problemang pinansiyal ang CAP noong 2005 dahilan para kanselahin ng mga plan holder ang kanilang kontrata at iginiit na maibalik ang kanilang mga ipinuhunang pera.