GENEVA (AFP) – Tumitindi ang banta ng climate change sa pandaigdigang kalusugan, ayon sa United Nations, sinabing ang matitinding klima at tumataas na temperatura ay maaaring pumatay sa daan-daang libo at marami ang mahahawahan ng sakit.

“Climate change is no longer only an environmental issue,” sabi ni Diarmid Campbell-Lendrum, pinuno ng climate change team sa World Health Organisation (WHO).

Sinimulan noong Miyerkules ng UN agency ang tatlong-araw na komperensiya sa tanggapan nito sa Geneva, tinalakay ang magkakaugnay na usapin ng klima at kalusugan.

Layunin nitong tutukan ang usaping pangkalusugan sa espesyal na UN Climate Summit sa New York sa Setyembre 23.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Si Campbell-Lendrum ang lead author ng health chapter ng bagong report ng Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC).

“If we don’t act to reduce greenhouse gas emissions we’ll be living on a planet which is basically in many important respects unsuitable, in many locations, for health,” sinabi ni Campbell-Lendrum sa mga mamamahayag.

Nakaaapekto ang climate change sa maraming likas-yaman na may kaugnayan sa kalusugan, gaya ng malinis na hangin, ligtas inuming tubig, pagkain at silungan. Ang mas mainit na panahon at pabagu-bagong lakas ng ulan ay maaaring makapagparami ng mga lamok na nagdudulot ng malaria, dengue at chikungunya.

Batay sa tala ng WHO, aabot sa 250,000 buhay ang maaaring mawala kada taon sa pagitan ng 2030 at 2050, at mahihirap na bansa ang mapupuruhan.

Ang malnutrisyon, na pumatay na sa 3.1 milyong katao kada taon, ang masisisi sa 95,000 ng kamatayang ito.