CALASIAO, Pangasinan— Sa kabila ng pagkakaroon ng San Roque Power Corporation at Sual Power Plant sa lalawigan dito ay hindi pa rin ligtas ang probinsiya sa pagmahal ng kuryente at problema sa enerhiya.
Sa panayam ng BALITA, nagpahayag ng pagkabahala ang dating 5th District Congressman na si Mark Cojuangco hinggil sa nakikitang problema sa enerhiya kasunod na rin sa kakulangan at pagmahal ng kuryente, hindi lamang sa Luzon, kundi maging sa buong bansa.
Aniya, malinaw na nagmahal at hindi sapat ang suplay ng kuryente kayat paikut-ikot lang sa Metro Manila at mga probinsiya ang mga brownout.
Nasisilip din ni Cojuangco ang paglalala pa ng sitwasyon sa enerhiya sa mga sususnod na panahon at hindi siya kumbinsido na mareresolba pa ito ng gobyerno sa ngayon.
Samantala, sinabi din ni Cojuangco na dati nang pinakamahal ang power rate sa buong Asia subalit naungusan ito ng Japan, ngunit ngayong nagsara ang ilang planta sa Japan at ang Pilipinas ay unti-unti nang nagkukulang ang supply ay inaasahang ang bansa na ang magiging pinakamatas pagdating sa power rate.
Iminungkahi ni Cojuangco na baguhin nang kaunti ang implementasyon ng EPIRA at kung walang itinatayong planta sa tamang panahon ang gobyerno ay tiyak na papalpak ang ekonomiya sa bansa.- Liezle B. Iñigo