Posibleng matagal pa ang gagawing pagtitiis ng mga motorista at commuter sa España Boulevard na nalulubog sa baha tuwing umuulan kahit pa natapos na ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang bago nitong flood control system sa Morayta Street.
Una nang inihayag ng DPWH na maiibsan ng katatapos na drainage system ang pagbabaha sa isa sa mga pinakaabalang kalsada sa Maynila.
Gayunman, napatunayan sa pag-uulan sa nakalipas na mga araw na binabaha pa rin ang España Boulevard.
Sa isang panayam sa telepono, sinabi ni DPWH Spokesperson Raul Asis na hindi pa natatapos ang komprehensibong anti-flood program ng kagawaran para sa España Boulevard.
Aniya, bahagi nito ang Blumentritt Interceptor Catchment (BIC), na ginagawa pa matapos ilang beses na nagkaproblema.
“Once this project is completed it will solve the flooding from Welcome Rotonda up to the railroad, which is being used by the PNR (Philippine National Railways) by catching the flood waters from Banaue in Quezon City,” ani Asis.
Sinabi ni Asis na inaasahan nilang makukumpleto ang BIC sa unang quarter ng 2015.
Dagdag pa niya, nagbubunsod din ng baha sa España ang mga sira-sirang pumping station malapit sa Pasig River, na pinalala pa umano ng naghilerang barung-barong sa mga estero.
Ginagawa pa ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga pumping station, ayon kay Asis. - Samuel P. Medenilla