LEGAZPI CITY – Sa Albay idaraos ang XTERRA Triathlon, ang pinakamalaking off-road triathlon sa Pilipinas na magsisimula sa Pebrero 8, 2015 at inaasahang lalahukan ng mahigit 1,500 triathlete mula sa iba’t ibang bansa na makikipagtagisan ng galing sa mga Pilipino.

Inaasahan ding dadaluhan ito ng may 2,500 manonood na lalo pang magpapalago sa turismo ng Albay.

Ang triathlon ay paboritong sports event sa buong mundo kaya karaniwan itong binibigyan ng ibayong atensiyon ng media.

Pinagtibay kamakailan ang kasunduan sa pagsasagawa ng naturang triathlon dito sa pulong na idinaos sa Manila nina Albay Gov. Joey Salceda at Alaska Milk Corp. CEO Wilfred Uytengsu Jr., na franchise holder ng XTERRA sa Pilipinas.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Si Uytengsu, na isa ring triathlete, ang may-ari ng premyadong Alaska Aces basketball team. Siya rin ang nagdala sa bansa ng Iron Man Challenge noong 2010.

Tampok sa triathlon ang magkakasunod na swimming, mountain biking at trail race sa isang paligsahan sa loob ng takdang distansiya at oras. Ang paligsahan ay bahagi rin ng mga pasimulang event ng isang buwang singkad na Cagsawa Festival sa lalawigan.

Ang sports tourism ng Albay, ayon kay Salceda, ay nabigyan ng malakas na sulong nang idinaos ang Mayon 360 50-mile Ultra Marathon, sa pasimula ng Daragang Magayon Festival noong isang taon na dinaluhan ng 1,200 sports enthusiast at mga bisita.

“Nagpapasalamat kami sa mga nasa likod ng XTERRA, lalo na kay Wilfred, sa pagkakapili nila sa Albay para sa sporting event na ito. Ito ay tiyak na makakatulong para mapanatili ng Albay at mapatibay ang posisyon nito bilang ‘fastest growing tourist destination’ ng bansa,”ayon kay Salceda.