Aminado ang Commission on Elections (Comelec) na tali ang kanilang mga kamay at wala silang magawa upang sawatahin ang mga pulitikong ngayon pa lamang ay nangangampanya na para sa May 2016 elections.
Ang pahayag ni Comelec Chairman Sixto Brillantes, Jr. ay kasunod ng pasaring ni Pangulong Aquino sa mga pulitikong maagang nangangampanya.
Ayon kay Brillantes, mismong Korte Suprema na ang nagsabi na walang premature campaigning at sa ilalim ng election laws ay hindi maituturing na pangangampanya ang ginagawa ng isang pulitiko hanggang hindi pa ito opisyal na kandidato.
Sa ilalim ng Republic Act No. 9369, maituturing lang na kandidato ang isang tao sa sandaling nakapaghain na ito ng certificate of candidacy (COC) sa poll body.