Ni KRIS BAYOS

Posibleng masisimulan na sa susunod na taon ang konstruksiyon ng 22-km Metro Rail Transit line 7 (MRT 7), sinabi ni Transportation Secretary Joseph Emilio Abaya.

Ang konstruksiyon ng MRT 7, isang 22-km rail system na tatakbo mula sa panulukan ng North Avenue at Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) sa Quezon City patungong San Jose del Monte sa Bulacan, ay nakatakdang kaagad sisimulan matapos matiyak ang pondo para rito.

Sa pinaplanong 14 train stations sa rail line na daaan sa Commonwealth Avenue, Regalado Avenue at Quirino Highway hanggang sa pinapanukalang Intermodal Transportation Terminal sa San Jose del Monte, Bulacan, ang MRT 7 ay inaasahang pagsisilbihan ang may 2 milyong commuters sa northern Metro Manila at Bulacan.

National

DepEd, sinabing walang korapsyon sa pamumuno ni Sonny Angara

Bilang bahagi ng concession agreement, magtatayo ang Universal LRT Corp. (ULC) nang libre para sa gobyerno ng six-lane access road sa Marilao Bulacan, patungo sa MRT 7 depot sa Tala.

Ayon kay Abaya nilagdaan na ng Department of Finance (DOF) ang Performance Undertaking para sa P62.7-bilyong proyekto at nilagdaan na rin ng Department of Transportation and Communications (DOTC) ang implementing guidelines ng proyekto.

“Performance Undertaking has been signed by Secretary (Cesar) Purisima. We have signed our implementing guidelines, so it is a matter of calling them and giving it to them so go na yan,” aniya sa mamamahayag noong nakaraang linggo.

Ang Performance Undertaking, isang requirement para sa Financial Closure ng isang poryekto na popondohan ng official development assistance (ODA) loan, ay isang financial guarantee ng gobyerno. Ang Japan International Cooperation Agency ang magkakaloob ng pondo para sa MRT 7 project.

“Pagkaabot sa kanila, they should commence financial closure,” ani Abaya, tinutukoy ang MRT 7 proponent ULC, na partly owned and controlled ng San Miguel Corp. sa ilalim ng San Miguel Holdings Corp.

“Ang pakiusap ko sa kanila is to do it (Financial Closure) sooner than 18 months. But they’re saying they could do advanced works once they get the green light,” dagdag ni Abaya.

Nauna nang sinabi ni SMC President Ramon Ang na gagawin nila ang lahat upang mapabilis ang pagkuha ng Financial Closure. Sinabi ng SMC na ang konstruksiyon ng proyeto ay aabutin ng halos dalawang taon para makumpleto.