Ni GENALYN D. KABILING

Isinisi ng Malacañang ang urong-sulong na pahayag sa “no election” scenario ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda sa baluktot nitong pagsalin mula Ingles sa Filipino.

Matapos ulanin ng batikos dahil sa pagpapalutang ng “no-el” sa 2016, sinabi ng Malacañang na ang kontrobersiyal na pahayag ay bunsod ng kahinaan ni Lacierda sa pagbigkas ng sariling wika tuwing may pulong balitaan.

Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigal Valte na inabisuhan na si Lacierda na magsalita ng Filipino imbes na Ingles upang epektibong maihayag ang saloobin ng Palasyo sa mga kritikal na isyu.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“In fact, kahapon pinapagbiruan po namin, kasi si Secretary Lacierda ay hindi ho ‘yan ganoon—kasing-talas sa Tagalog,” pahayag ni Valte sa radyo DzRB.

“Kaya sabi nga ho namin, sa susunod ay Ingles na lang po ‘yung kanyang maging pahayag dahil ‘yung naging pahayag po yata ‘nung Biyernes ay parang kalahati po Tagalog, kalahati Ingles,” dagdag ni Valte.

Isa ring abogado, si Lacierda ay mula sa isang pamilyang Tsinoy (Chinese-Pinoy). Ang kanyang ina ay tubong Loon, Bohol.

Sa gitna ng umiinit na debate sa charter change o cha-cha, lalong pinainit ni Lacierda ang usaping pulitika nang ihayag nito na posibleng walang maganap na eleksiyon sa 2016.