Kaparis ng inaasahan, nagawang panatilihin ng San Beda College ang kanilang men’s at women’s titles habang hindi rin naagaw ang juniors plum sa CSB-La Salle Greenhills sa pagtatapos ng NCAA Season 90 swimming competition sa Rizal Memorial Swimming Pool sa Manila.
Pagkaraan ng tatlong araw na kompetisyon, nagtala ang Sea Lions ng kabuuang 1,350.5 puntos upang makamit ang kanilang ika-13 sunod na titulo sa men’s division at ika- 17 pangkalahatan.
Nakatipon naman ang kanilang women’s team ng kabuuang 1,161 puntos para mapanatili ang korona sa ikaapat na sunod na taon.
Tumapos na pangalawa sa kanila kapwa sa men’s at women’s division ang College of St. Benilde na nakalikom ng kabuuang 684.5 at 816.5 puntos ayon sa pagkakasunod.
Nasa ikatlong puwesto naman sa men’s division ang Emilio Aguinaldo College Generals na may 314.5 puntos, pang-apat ang Arellano University Chiefs na may 226.5 puntos, panglima ang Letran College Knights na may 180 puntos, pang-anim ang San Sebastian College Stags na may 109.5 puntos, pampito ang Mapua Cardinals na may 7.5 puntops, pangwalo ang University of Perpetual Help Altas na may 66.5 puntos at pangsiyam ang Lyceum of the Philippines University Pirates na may 59.5 puntos.
Pumangatlo rin ang EAC sa women’s makaraang magtala ng 552 puntos, pangapat ang San Sebastian na may 141.5 puntos, panglima ang Lyceum na may 130.5 puntos, pang-anim ang Mapua na may 92 puntos, pampito ang Arellano na mayu 70 puntos at pangwalo ang Letran na may 58 puntos.
Walang women’s team ang Perpetual Help habang kapwa naman walang koponan sa men’s at women’s division ang season host Jose Rizal University.
Nakapagtala ang La Salle Greenhills ng kabuuang 1,038.5 puntos upang makamit ang kanilang ika-17 pangkalahatan at pang-11 sunod na kampeonato.
Sumegunda sa kanila ang San Beda College-Rizal na may 887 puntos, pangatlo ang Lyceum na may 254.5 puntos, pang-apat ang San Sebastian na may 178.5 puntos, panglima ang Letran-172, pang-anim ang Mapua- 154.5, pampito ang EAC-147, pangwalo ang Perpetual Help-61, pangsiyam ang Arellao University-17.5 at pang-sampu ang kasasali pa lamang na JRU-12.5.
Muling nanguna si Wilfredo Sunglao Jr. na umani ng limang gold medals lahat sa pamamagitan ng record breaking feat katulong ang kakamping si Christian Dimaculangan na kumopo naman ng apat na gold medals, lahat din ay pawang new meet record ang nasabing panalo ng Sea Lions.
Pinamunuan naman ang Sea Lionesses ni Frances May Cabrera na kumubra din ng apat na gold medals sa pamamagitan ng apat ding record breaking performances.
Naging Most Outstanding swimmer naman sa juniors dvision si Rafael Sta.Maria ng makaraang pangunahan ang La Salle Greenies sa kanyang inaning anim na gold medals na lahat ay inangkin nya sa pamamagitan ng pagtatala ng mga mga bagong meet records.
Ang mga events na napanalunan ni Sta. Maria ay ang boys 50m free, 50m fly, 200m free,100m free at 4 x50 at 4 x 100 meter freestyle relay.
Napagwagian naman ni Sunglao ang finals ng men’s 50m back, 200m free, 4 x 50 m freestyle relay,men’s 400m medley at 100 meter freestyle habang namayani naman si Dimaculangan sa men’s 100m back, men’s 200m back, men’s 4 x 50 meter freestyle relay at gayundin sa 4 x 100 meter freestyle relay.
Samantala, inangkin naman ni Cabrera ang gold medals sa women’s 400m free, 200m free, 400m IM at 400m medley relay.