Ni FREDDIE C. VELEZ

MALOLOS CITY, Bulacan – Habang abala ang mga estudyante, guro at opisyal ng Bulacan State University (BulSU) sa paghahanda para sa isang prayer vigil kahapon ng hapon para sa pitong estudyante ng Tourism na nalunod sa Madlum River sa San Miguel noong Agosto 19, inihayag ni BulSU President Dr. Mariano De Jesus na binuo ng unibersidad ang isang komite na mag-iimbestiga sa insidente.

Kasabay nito, sinabi ni De Jesus na ipagkakaloob ng BulSU ang buong suporta sa mga nasawi at nakaligtas sa field trip na nauwi sa trahedya.

“We will help in the investigation of this unfortunate incident. Meantime I am calling every one to pray for our beloved students,” ani Mariano.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Nagsipag-alay ng kandila at panalangin ang mga estudyante at guro ng unibersidad pagkatapos ng misa para sa mga biktima.

Nitong Huwebes lang natagpuan ang ikapitong nasawi, ang dating miyembro ng dance group na EB Babes na si Maiko Eleva Ison Bartolome, na naipit ang bangkay sa isang malaking bato at natatakpan ng inanod na malalaking troso.

Martes ng hapon nang maiahon ang mga bangkay nina Mikail Alcantara, Phil Rodney Alejo, Michelle Ann Rose Bonzo, at Helena Marcelo, habang kinabukasan na natagpuan sina Jenette Rivera at Madel Navarro.

Dalawa namang kaklase ng mga biktima, sina Daniel Cunanan at Thea Hernandez, ang nakaligtas.

Iniimbestigahan ngayon kung bakit walang kasamang mga guro sa nasabing field trip, habang iimbitahan ng San Miguel Police ang mga tour guide para sa isinasagawa nitong pagsisiyasat.

Ayon naman sa Commission on Higher Education (BulSU), posibleng nagpabaya ang mga organizer ng field trip sa pagtalima sa proseso sa pagsasagawa ng field trip, sinabing hindi nakapagsumite ang unibersidad ng risk assessment sa bibisitahing lugar.

Ipinagbawal na rin ni Gov. Wilhelmino M. Sy-Alvarado ang mga field trip sa Madlum Cave, at pansamantalang isinara sa publiko ang ilog.