MULING lilipad ang Asia’s Songbird ngayong araw papunta naman sa Cagayan de Oro upang pasimulan ang participation ng GMA sa Kagay-An Festival 2014.
Excited na si Regine Velasquez-Alcasid na makihalubilo sa kanyang supporters sa isang Kapuso Fans’ Day na gaganapin sa Garden Area ng Centrio Mall, simula 5 PM. Masasayang games at surprises ang naghihintay sa fans ng Bet ng Bayan host, na ini-enjoy ang bawat pagkakataong makipag-bonding at mapasalamatan ang kanyang avid supporters sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ikasiyam ang CDO sa naging venue ng Kapuso Fans’ Day with the Songbird matapos siyang mag-live show rin sa Davao, Dagupan, Vigan, Boracay, Iloilo, Batangas, Bohol, at Cebu.
Bukas, pupunta rin ang GMA Artist Center talent na si Enzo Pineda sa CDO para mag-host ng Miss Cagayan de Oro 2014 Coronation Night sa Atrium ng Limketkai Center simula 7 PM. Makakasama niya si Ruru Madrid ng My Destiny na siya namang haharana sa mga dilag.
Sa Lunes, August 25, kasabay ng pagdiriwang ng bansa ng Araw ng Kagitingan, ay sasaksihan naman nina Miguel Tanfelix, Bianca Umali, Renz Valerio, at Julian Trono mula sa GMA primetime series na Niño kasama ng mga Kagay-anon ang PE Rhythmic Dance Festival sa Pelaez Sports Complex simula 6 AM.
Sasampa naman sa Kapuso float sa August 27 si Steven Silva kasama ang Miss Cagayan de Oro 2014 winners sa Higalas Parade of Float & Icons. Isang live coverage nito ang ihahatid ng GMA Channels 12 and 35 simula 8:30 AM.
Sa Biyernes, August 28, darating ang dalawang bigating stars ng GMA — ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes at ang isa sa top leading men ng Network at Bet ng Bayan host na si Alden Richards — sa Kapuso Fiesta pagsapit ng 5 PM. Makakasama nila sa Las Ramblas ng SM City Cagayan de Oro ang songstress na si Maricris Garcia. Sa naturang event din magaganap ang Provincial Showdown ng Bet ng Bayan.