Nagsagawa ng kilos-protesta ang mga kritiko ng pamilya Binay sa bantayog ng yumaong si Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. sa Ayala Avenue sa Makati City kahapon upang ikondena ang umano’y laganap na korupsiyon sa siyudad.

Sa pangunguna ni Atty. Renato Bondal, ng “Save Makati and Stop Corruption” movement, dakong 10:00 ng umaga nang magmartsa ang grupo mula sa Greenbelt Church patungo sa bantayog ng yumaong senador sa kanto ng Ayala at Paseo de Roxas sa Makati.

Pagdating sa bantayog ay nag-alay ang grupo ng puting rosas na may dilaw na laso at nakakabitan ng papel na nasusulatan ng “Save Makati and STOP CORRUPTION” at nagsagawa ng misa, sa pangunguna ni Bishop Inigez.

Ayon kay Bondal, napilitan si Mayor Jun Jun Binay na amining may elevator sa loob ng bahay nito, na karaniwang nakikita lang sa mga high rise-residential o commercial buildings, sa pagharap nila ng alkalde sa Senate Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa alegasyong overpriced ang Makati Parking Building na umabot sa P2.7 bilyon.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Inihayag pa ni Bondal na ang P1.9 bilyon na kinita sa umano’y overpriced na gusali ay ipinambili ng pamilya Binay ng mga mamahaling bahay.

Ang tinatayang patas na gastos sa parking building ay P23,000 lamang kada metriko kuwadrado, subalit lumobo ito ng P75,000 kada metriko kuwadrado.

Aniya, ipinatayo ang Makati City Building 2 sa ilalim ng Hilmarc’s Construction, na pag-aari ni Engr. Efren Canlas, na parehong kumpanya rin ang humawak sa iba pang proyekto ng pamahalaang lungsod, mga bahay at malawak na taniman ng pamilya Binay.