Ni OMAR PADILLA
MALOLOS CITY, Bulacan— Pito na ang kumpirmadong patay at dalawa ang nakaligtas sa flash flood noong Martes ng hapon sa Madlum cave sa Barangay Sibul sa San Miguel, Bulacan.
Unang narekober ang bangkay nina Elena Marie Marcelo, Mikhail Alcantara, Sean Rodney Alejo at Michelle Anne Rose Bonzo noong Martes. Sunod na natagpuan ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) noong Miyerkules ang mga bangkay nina Janet Rivera at Mary Magdalene Navarro.
At kahapon ng umaga ay nakita na rin ang bangkay ni Maico Bartolome, 26, dating miyembro ng dance group na EB Babes.
Ang mga biktima ay first year Tourism students ng Bulacan State University (BulSU).
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng trekking activity ang BulSU at papatawid ang siyam na estudyante sa Madlum cave nang biglang bumaha.
Nakaligtas naman at kasalukuyang nasa pagamutan sina Althea Hernandez at Danielle Cunanan.
Kaugnay nito, nanawagan si Bulacan Governor Wilhelmino M. Sy-Alvarado sa mga kaanak ng mga biktima na maging mahinahon sa kabila ng mga pangyayari, ngunit hindi maiiwasan ang mga bugso ng damdamin ng mga kaanak ng mga Regalanasawi sapagkat hindi lamang anak o kaanak ang nawala sa kanila kundi ang bahagi ng buhay, pangarap at pag-asa.
Sinabi ni Dr. Mariano DeJesus, presidente ng BulSU, na bumuo na sila ng crisis committee na tututok sa imbestigasyon upang alamin kung saan at sino ang nagkulang at kung bakit ang field trip ay nauwi sa trahedya.
Sinuspinde na ang lahat ng nakatakdang field trip s unibersidad at pinag-aaralan na rin ang pagsilip sa mga syllabus kung maaari nang alisin o bawasan ang mga aktibidad sa labas ng eskuwelahan.