NEW YORK (AP)– Ang top-ranked na si Novak Djokovic ay seeded No.1 para sa U.S. Open, at ang five-time champion na si Roger Federer naman ang No. 2, nangangahulugan na maaari lamang silang magharap sakaling parehong makaabot sa final.
Sinunod ng U.S. Tennis Association ang lumabas na ATP rankings ngayong linggo sa kanilang pag-aanunisyo ng seedings kahapon.
Umangat ng isang puwesto si Federer mula sa kanyang No. 3 ranking dahil sa pag-atras ni 2013 champion Rafael Nadal mula sa huling Grand Slam tournament ng taon dahil sa injured right wrist. Ang 33-anyos na si Federer ay nabigyan ng seeding sa U.S. Open sa ika-14 sunod na taon, napantayan si Ivan Lendl para sa pinakamahabang streak at nasa likuran ni Jimmy Connors na mayroong 18.
Napanalunan ni Federer ang hard-court tournament kada taon mula 2004-08, bahagi ng kanyang rekord na 17 Grand Slam titles.
Si Djokovic ay nakapaglaro sa huling apat na finals sa Flushing Meadows, at napanalunan ang titulo noong 2011. Natalo siya kay Nadal noong 2010 at noong nakaraang taon, at kay Andy Murray noon namang 2012.
Si Murray ay seeded eighth ngayong taon. Ang Australian Open champion na si Stan Wawrinka ay No. 3, sinundan nina David Ferrer, Milos Raonic, Tomas Berdych at Grigor Dimitrov.
Ang women’s seedings ay iaanunsiyo ngayong araw, at ang draw ay magaganap bukas.
Mag-uumpisa ang torneo sa Lunes.