Muling magtatangka ang swimmer na si Roxanne Ashley Yu sa women’s 200m backstroke habang sasabak naman ang Fil-American na si Ana Lorein Verdeflor sa women’s all-around ng artistic gymnastics para sa inaasam na unang medalya ng Pilipinas sa ginaganap na 2nd Youth Olympic Games sa Nanjing, China.

Muling lalangoy sa ganap na alas-10:30 ng umaga ang 16-anyos na si Yu na mula Olongapo at scholar ng British International School sa Phuket, Thailand matapos na mabigong makuwalipika sa qualifying heats ng girls’ 100-meter backstroke sa Nanjing Olympic Center Natatorium.

National

Ping Lacson, kinilala ambag nina PNoy, PBBM sa estado ng kaso ni Mary Jane Veloso

Sasabak ang 5-foot-5 na si Yu sa lane 3 na unang qualifying heat para sa 200m backstroke na bibit ang kanyang personal best na 2:19.53 oras.

Unang itinala ni Yu ang 1 minuto at 5.16 segundo para lampasan ang kanyang dating personal best na 1:05.20 sa 100m.

Gayunman, nagkasya lamang ang isinumite nitong oras sa ikaapat na puwesto sa heats kung saan kabuuang 33 swimmer ang kalahok. Ang oras ni Yu ay pumalo sa ika-26 puwesto.

Tatangkain naman ng kinukonsiderang may pinakamalaking tsansang magwagi ng medalya ang 15-anyos na si Verdeflor na nakatakdang sumabak sa ganap na alas-2:30 ng hapon sa apat na event na binubuo ng Vault, Uneven Bars, Floor Exercise at Beam.

Si Verdeflor ay isang Filipino-American gymnast na nadiskubre sa World Olympic Gymnastics Academy (WOGA) sa Plano, Texas. Agad itong isinama sa Junior National Team at isinailalim sa pagsasanay ni coach Natasha Boyarskaya sa Beam at Floor at coach Laurent Landi sa Vault at Bars. Ang kanyang Floor routines ay nasa ilalim ng gabay ni US National Team choreographer at coach Nataliya Marakova.

Nagawa naman ni Verdeflor na tumapos na ika-12 puwesto sa ginanap na 13th Junior Artistic Gymnastics Asian Championship sa Tashkent, Uzbekistan noong Abril 7-14.

Ang Tashkent meet ay qualifier para sa Youth Olympic Games kung saan siyam na silya ang nakatakda para sa Asia na isang gymnast kada bansa.

Ang ika-12 puwesto ni Verdeflor mula sa 55 kasaling gymnasts ang nagbigay dito ng silya para sa Pilipinas na makasama sa 2014 YOG. Itinala ni Verdeflor and All-Around score na 48.4 upang ilagay ang Pilipinas sa ikaanim na puwesto mula sa 9 na bansa sa Asya na nakuwalipika sa kada apat na taong torneo.

Tanging si Verdeflor lamang ang sumabak sa Pilipinas sa Olympic Center kahapon habang sisisid ngayon si Yu. Tatakbo naman sa Miyerkules ang trackster na si Zion Rose Nelson sa pagsagupa sa 400-m heats gayundin ang shooter na si Celdon Jude Arellano sa men’s air rifle.