Ni BEN ROSARIO

Nakaamoy ng anomalya ang Commission on Audit (CoA) sa P229.6 milyon milk feeding program na kinasasangkutan umano ng 46 kongresista na nagsulong sa pagpapatalsik kay dating Chief Justice Renato Corona.

Base sa 2013 annual audit report para sa National Daily Authority (NDA), inihayag ng CoA na nagpalabas ang Malacañang ng P22.6 milyong pondo para sa proyekto noong Disyembre 22, 2011, 10 araw matapos patalsikin si Corona ng Kamara.

Kabilang sa 46 kongresista na nakinabang sa milk feeding project ay mula sa ACT at Gabriela party-list na nagsusulong ngayon sa pagpapatalsik kay Pangulong Aquino sa isyu ng Disbursement Acceleration Program (DAP).

National

4 na senador, binawi ang pirma sa Adolescent Pregnancy Bill

Sinabi ng mga CoA auditor na nagpalabas ang gobyerno ng Special Allotment Release Order (SARO) at Notice of Cash Allocation na P22.6 milyon noong Disyembre 22, 2011 upang pondohan ang milk feeding program ng 46 mambabatas.

“Records showed that the 46 proponents were indorsed by the Speaker of the House of Representatives to the DBM for fund allocation,” iniulat ng state auditing agency.

Tinawag na “The Community/School Milk Feeding Program,” nakasaad sa proyekto na mamamahagi ang gobyerno ng 200ml pack ng pasteurized/sterilized choco-flavoured milt sa mga buntis na ina, senior citizen at grade school student sa mga lugar na pinili ng mga kongresista.

Sa audit program ng ahensiya, ipinag utos ng CoA sa NDA na ibalik ang mga hindi nagamit na pondo sa Bureau of Treasury matapos ideklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang DAP.

Puntirya ng mga auditor ang natitirang P80 milyon na hindi nagastos ng NDA sa proyekto.

Duda ang CoA na nakumpleto ang delivery ng lahat ng 6,684,644 pakete ng gatas na binili ng P87 milyon dahil mayroong nakitang pagkakaiba ang mga audit examiner sa specimen signature ng mga mambabatas na awtorisadong tumanggap ng mga produktong gatas kumpara sa kanilang lagda sa mga dokumento na nagsasabing natanggap na nila ang mga milk pack.