Sumalo ang Philippine Men’s Chess Team sa ika-35 puwesto matapos tumabla sa Canada habang nabigo ang Women’s Team sa huling laban kontra sa Belgium upang mahulog sa ika-61 sa pagsasara kahapon ng 41st World Chess Olympiad sa Tromso, Norway.
Nakatipon lamang ang 52nd seed na Pilipinas ng kabuuang 13 puntos sa loob ng 11 laban upang makisalo sa 26 na bansa sa ika-35 hanggang ika-60 puwesto sa men’s division habang may kabuuan 11 puntos ang women’s team para sa 13 bansa na magkakasalo sa ika-61 hanggang ika-73 puwesto.
Nakipaghatian ng puntos sina GM Julio Catalino Sadorra (2590) at GM John Paul Gomez (2526) sa Board 1 at 2 mula sa 37th seed na Canada na sina GM Anton Kovalyov (2622) at GM Eric Hansen (2593) upang umasa na makaangat pa sa pangkalahatang puwesto.
Nagawa ni GM Eugene Torre (248) na magwagi sa Board 3 kontra IM Leonid Gerzhoy (2473) para maiangat ang koponan sa 2-1 abante subalit nabigo sa Board 4 ang matagal nang hindi nakapaglaro na si GM Jayson Gonzales kontra kay GM Bator Sabuev (2528) upang kapwa magkasya sa tig-2 puntos.
Itinala ni Sadorra ang pinakamataas na 6.5 puntos sa 11 laban para sa koponan habang si Gomez ay may 5.5 puntos sa loob ng 11 laro. Si Torre ay nakatipon din ng 5.5 puntos sa 9 na laban habang ang 16-anyos na si FIDE Master Paolo Bersamina (2363) ay may 5 puntos sa 9 na laban. Si Gonzales ay ma 2.5 puntos sa 4 laro.
Nalasap naman ng 43rd seed na Women’s Team ang 1-3 kabiguan kontra sa 61st seed na Belgium matapos matalo si WIM Chardine Cheradee Camacho (2214) kay WFM Hanne Goossens (2178) na sinundan ni WFM Janelle Mae Frayna (2205) kontra kay WFM Luliia Morozova (2060) at Jan Jodilyn Fronda (2098) kay Wiebke Barbier (1944).
Tanging si Christy Lamiel Bernales (2055) lamang ang nagwagi kontra kay Sarah Dierckens (1873).
Sa kabuuan ay nakatipon si Camacho ng 3.5 puntos sa 10 laro, si Frayna ay may 6 puntos sa 11 laro habang si Fronda ay may 7.5 puntos sa 11 laban. Si Catherin Perena (2165) ay may 4.5 puntos sa 8 laro habang si Bernales ay may 2.0 puntos sa apat na laro.