May nakitang sintomas ng trauma sa ilang overseas Filipino worker (OFW) na bumalik mula sa Libya matapos makaranas ng matinding hirap bunsod ng kaguluhan sa lugar, ayon sa Department of Labor and Employment (DoLE).

Base sa ulat ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), sinabi ni Labor and Employment Secretary Rosalinda Baldoz na 54 na OFW ang humiling ng stress debriefing pagdating nila sa Pilipinas.

Ayon kay Baldoz, ito ay halos apat na porsiyento mula sa 1,299 na distressed OFW na tinulungan ng gobyerno na makabalik sa Pilipinas hanggang Agosto 10 sa ilalim ng Assist WELL Program.

Ayon sa OWWA official, ang mga nailigtas na OFW ay nakararanas ng takot, pagkabalisa, at hindi makatulog bunsod ng masaklap nilang karanasan nang maipit sa war zone.

National

UP, top university pa rin sa Pinas; Iba pang paaralan sa bansa, pasok sa Asian ranking!

“The counseling will help relieve the stress experienced by these OFWs and allow them to return to their normal lives,” pahayag ng OWWA.

Noong 2011, sa unang bugso ng mass repatriation ng gobyerno sa Libya, ay iniulat ng OWWA na aabot sa 2,000 mula sa 9,000 repatriated OFW mula sa Libya ang humiling ng stress debriefing.

Samantala, karamihan sa nagsibalik na OFW at humihiling ng trabaho sa ibang bansa. Ayon kay Baldoz, mahigit sa kalahati o 681 mula sa kabuuang bilang ng na-repatriate ang nais pa ring magtrabaho sa ibang bansa.

“Thus, this supports the conventional wisdom that OFWs who have already experienced working abroad would still want to go back for obvious reasons,” pahayag ni Baldoz. - Samuel P. Medenilla