Isang Sabado ng umaga, sumakay kami ng aking amiga sa pampasaherong jeep patungo sa paborito naming tiangge. Sa dakong likuran ng driver kami naupo sapagkat iyon na lamang ang bakante. Nagbayad kami ng pamasahe.
May isang lalaking pasahero na nakaupo malapit sa estribo ng jeep ang nagsabi ng “Bayad” sabay abot sa aking amiga ng pamasahe. Kinuha iyon ng aking amiga at iniabot sa driver. Iniabot naman ng driver ang sukli sa aking amiga na kanya namang iniabot sa lalaking pasahero. Pagkakuha ng sukli, hindi nagpasalamat ang lalaki sa aking amiga. Napatingin sa akin ang aking amiga sabay bulong “Ni hindi man lang nagpa-thank you.”
Isa sa mga natutuhan ko sa buhay na ito ay ang huwag masyadong umasa sa aking kapwa. Posible nga na pagbuhusan mo ng enerhiya at pag-ibig ang isang kamag-anak o kaibigan ngunit hindi ka man lamang suklian ng pasasalamat ang lahat ng iyong ginagawang pagsisikap para sa kanila. Maaari nga na sila pa ang tumanggap ng pasasalamat sa mga bagay na ating ginawa.
Kung umaasa tayo na kikilalanin o pahahalagahan ng bawat tao ang lahat ng ginawa natin para sa kanila, tiyak na masasaktan din tayo. At pagkatapos, tatanungin natin ang ating sarili: “Ito ba ang isusukli sa akin pagkatapos ng lahat ng paghihirap ko?”
Sa mga sandali ng ating kabiguan, tingnan natin ang ating motibo: Naghahangad ba tayong purihin at pasalamat palagi para sa magagandang bagay na ating ginawa para sa ating kapwa? Maaari ba nating ibigay na lamang sa ating kapwa ang responsibilidad para sa sarili nilang ugali? Dumanas si Apostol Pablo, habang naglilingkod siya sa Panginoon, ng pang-aapi sapagkat tinalikuran siya ng kanyang mga kasama. Gayunman, nakatuon siya sa lakas na ibinibigay sa kanya ng Diyos upang maayos niyang maipahayag ang mga pangaral.
Hindi kailanman tayo dapat umasa ng kahit na ano mula sa iba sa mga bagay na maaaring ibigay ng Diyos. Tungkulin natin ang magbigay at hayaan na lamang ang resulta sa kamay ng Panginoon na Siya namang magbibigay sa atin ng sukli.