Nagsimula nang manungkulan si Rear Admiral Alexander Lopez bilang bagong commander ng Western Command (Wescom) sa Puerto Princesa City.

Si Lopez, isang miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1982, ang namuno sa search-and-retrieval operations sa eroplano kung saan lulan ang noo’y Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo na bumagsak sa karagatan ng Masbate noong Agosto 18, 2012.

Papalitan ni Lopez bilang pinuno ng Wescom si Lt. Gen. Roy Deveraturda, na magreretiro sa serbisyo sa Agosto 17, kasabay ng kanyang ika-56 kaarawan.

Ang Wescom ay isang unit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagbabantay sa pinagaagawang West Philippine Sea, kung saan nananatili ang ilang barko de giyera ng China.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Pinangunahan ni Defense secretary Voltaire Gazmin ang pagsasalin ng liderato ng Wescom sa Puerto Princesa City.

Dating nagsilbing commander si Lopez ng “Joint Task Force Malampaya” na nakabase sa El Nido, Palawan at nagbibigay serguridad sa Malampaya gas-power project.

“Coming home brings a such wonderful feeling as it offers the opportunity and privilege to work on some unfinished projects, so to speak,” sabi ni Lopez sa kanyang talumpati.

Sa kanyang liderato, tiniyak din ni Lopez na itataguyod niya ang prinsipyo ng International Humanitarian Law kasabay ng mahigpit na pagbabantay sa teritoryo ng Pilipinas.

“Isa pang dimensiyon na ating paiigtingin at pagtutuunan ng pansin ay ang seguridad at pagtatanggol ng ating teritoryo at soberentiya. Marahil, maliwanag pa sa sikat ng araw ang nagbabantang pagkamkam at patuloy na pagyuyurak ng ating yamang-dagat sa kanlurang bahagi ng ating bayan,” aniya.

Bago ang kanyang pagkakatalaga sa Wescom, si Lopez ay nakapuwesto bilang AFP deputy chief of staff for education and training. - Elena Aben