Mayroong dahilan ang mga bumalangkas ng Konstitusyon kung bakit nila inilagay sa probisyon hinggil sa limitasyon ng isang pangulo ang isang termino na may anim na taon. Dati, apat na taon ang termino, na may isang posibleng reeleksiyon, na nakatadhana sa 1935 Constitution. Sa 1973 Constitusyon noong panahon ng Martial Law, nilusaw ang Kongreso at sa halip lumikha ng isang National Assembly, na naghalal ng pangulo at isang prime minister. Ang kasalukuyang Konstitusyon, na pinagtibay noong 1987 matapos ang restorasyon ng demokratikong gobyerno, ay nakatadhana ang kasalukuyang sistema ng isang termino ng pangulo sa anim na taon na walang reeleksiyon.

Ang pagbabago sa minsanang anim na termino para sa isang pangulo ay isa sa maraming reporma na ipinatupad ng Constitutional Commission na nilikha ni Pangulong Corazon C. Aquino. Nakita ng Komisyon na masyadong maraming kapangyarihan ang nakalundo sa panguluhan, taliwas sa prinsipyo ng pagkapantay-pantay ng tatlong kagawaran ng gobyerno. Ang tanging paraan upang mapigil ang isang mapang-abusong pangulo ay ang impeachment, ngunit madali naman itong madaig ng isang pangulo na may access sa resources ng gobyerno na gagamitin nito sa pag-iimpluwensiya ng mga miyembro ng Kongreso.

Ang solusyon ay kailangang naaayon sa Konstitusyon na hindi mamamanipula ng mga pulitikong may ibang balak. Ang isang anim na taong termino ay sapat na upang magampanan ng isang mabuting pangulo ang lahat ng kanyang tungkulin at magpakitang gilas para sa sambayanan. Kung mayroon lamang siyang apat na taon, maaari siyang matuksong mangampanya para sa ikalawang termino sa ikatlong taon niya sa puwesto.

Matibay ang pagkakatadhana sa Konstitusyon ng sistema ng isang termino nang walang reeleksiyon. Hindi ito mababago ng Kongreso lamang. Ang anumang pagbabago, kung sa pamamagitan ng isang komisyon o ng isang kumbensiyon o ng joint session ng Kongreso, ay kailangang pagtibayin ng mga mamamayan. Kaya yaong mga nagsasalita tungkol sa posibleng pangalawang termino para kay Pangulong Aquino ay kailangang alam nilang sususugan nila ang Konstitusyon upang mangyari iyon, at kailangan nilang himukin ang taumbayan na pagtibayin ito sa pamamagitan ng isang plebisito. Maaaring nangangarap lamang sila o mayroon silang master plan para susugan ang Konstitusyon.

VP Sara, dinamayan tauhan niyang nakadetine sa Kamara dahil sa contempt order

Namumuno sa usap-usapan tungkol sa posibleng pangalawang termino para kay Pangulong Aquino ay ilang political leader ng Liberal Party na maaaring natatanaw iyon, ngunit sa mga nangyayari ngayon, maaaring lumagapak ang LP sa halalan sa 2016.

Mismong si Pangulong Aquino ang nagdeklara na wala siyang interes sa reeleksiyon. Dito niya katulad ng kanyang ina, si Pangulong Cory, na tumanggi sa lahat ng pagsisikap na palawigin ang pananatili nito sa Malacañang. Ang 1987 Constitution na taglay natin ngayon ay kilala rin bilang Cory Constitution. Malaking disgrasya kung sususugan ito ngayon para lamang mapagbigyan ang masidhing paghahangad na ipagpatuloy ang pagtamasa ang kasalukuyang mga kapangyarihan at mayamang resources ng kanilang mga posisyon.