Sinabi ng Department of Foreign Affairs na umaasa itong mapauwi ang mahigit 2,000 Pilipinong manggagawa mula Libya sa pagtatapos ng linggong ito.

Ayon kay DFA spokesman Charles Jose, may 1,637 Pilipino mula sa Tripoli, Benghazi at Misrata ang nagpahayag ng intensiyon na sumama sa evacuation na inorganisa ng gobyerno ng Pilipinas habang 400 pang manggagawa mula sa Hyundai construction company ang isasakay ng ferry palabas sa Libya ng kanilang mga employer ngayong weekend.

Narito ang breakdown ng mga Pinoy na lumagda para sa evacuation sa bawat lugar noong Miyerkules: Tripoli – 599, Benghazi – 436, at Misrata – 602.

Sinabi ni Jose na aaalis ang mga Pinoy sa Libya padaan sa dalawang exit routes – sa lupa patawid sa Libyan border sa Tunisia at sa dagat sakay ng inupahang barko patungong Malta.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Tanging ang mga nasa Benghazi at Misrata ang sasakay sa barko patungong Malta, kung saan sila direktang ililipad pabalik sa Manila sa pamamagitan ng chartered Philippine Airlines planes.

Dahil muling binuksan ang Libya-Tunisia border, ang mga magmumula sa Tripoli ay bibiyahe sa lupa gamit ang exit point, ani Jose.

Ang barko, inupahan ng gobyerno ng Pilipinas sa halagang $ 1.8 million, ay susunduin ang mga Pilipino sa mga daungan ng Benghazi at Misrata sa Agosto 10 at 11, ayon sa pagkakasunod. Nakatakda itong dumating sa Malta sa Agosto12.

Kapag ang lahat ng lumagda para sa evacuation ay darating sa nakatakdang petsa ng repatriation, ang bilang ng Filipino evacuees ay aabot sa halos 2,000.

Bago sumiklab ang giyera, mayroong 13,000 Pilipinong manggagawa ang nasa North African state, karamihan ay nagtatrabaho bilang health workers, construction workers at engineers. - Philippines News Agency