Ni Anna Liza Villas-Alavaren
Pinaigting ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang kampanya nito laban sa mga kolorum na sasakyan na dumaraan sa EDSA sa kabila nang ipinatutupad na “No Apprehension Policy” ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa mga kolorum na truck na bumibiyahe sa Metro Manila at itinuturong dahilan ng matinding trapik sa lugar.
Sinabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino na may kapangyarihan ang ahensiya na manghuli ng mga kolorum na sasakyan sa ilalim ng Republic Act 7924.
“Hindi dapat dumaraan ang mga kolorum at out-of-line vehicles sa EDSA at iba pang lugar sa Metro Manila,” pahayag ni Tolentino matapos ang paglulunsad ng “Oplan Project Disiplina” sa Balintawak, Quezon City.
Noong Martes, nagsisihan sina Tolentino at LTFRB Chairman Winston Ginez hinggil sa lumalalang trapik sa Metro Manila kung saan itinuro ng una ang “No Apprehension Policy” na puno’t dulo ng problema.
Sa loob ng tatlong oras, nakahuli ng pitong out-of-line at isang kolorum na bus at dalawang UV express ang MMDA at agad na hinatak ang mga ito sa impounding area sa Tumana sa Marikina City.
Sinabi ni Tolentino na bagamat exempted ang ilang out-of-line vehicle sa ibang ahensiya ng gobyerno, hindi ito uubra sa MMDA.
Tiniyak ni Tolentino na magpapatuloy ang kanilang operasyon laban sa mga kolorum na pampublikong sasakyan upang maibsan ang lumalalang trapik sa Metro Manila.
“We will continue our operation because we are mandated by the law,” pahayag ni Tolentino.