DELAWARE– Matapos dominahan ang host team Milford–Delaware ng USA East sa unang tatlong innings, kinapos na sa sumunod na pag-atake ang Team Manila–Philippines sanhi ng mga pagkakamali hinggil umano sa mga tawag kung kayat natikman nila ang unang pagkatalo sa dalawang mga laro sa 2014 World Series Girls Big League Softball Championship sa Comiskey Field ng sprawling Pyles Center sa Sussex dito.
Nagpasabog ang Big City softbelles na mayroong two-run homerun sa unahan ng unang inning sa kortesiya ni outfielder Lorna Adorable makaraan ang malaking hataw ni third base Arianne Vallestero, pinalo ang bola patungo sa fence sa kaagahan ng laro para sa 2–0 lead.
At sa unahan ng ikalawang inning, ang run ni catcher Roxzell Pearl Niloban, nagtala ng double hit, patungo sa single ni second base Lovely Dyan Arago ang nagdala sa 2012 World Series champion, ang pagbiyahe ay kinalinga ni Manila Mayor Joseph Estrada, Vice Mayor Isko Moreno, Philippine Airlines, at International Container Terminal Services, Inc. (ICTSI), sa 3–0 lead hanggang sa matapos ang ikalawang inning.
Subalit sa ilalim ng ikaapat na inning, nang si starting pitcher Baby Jane Raro ay ibigay ang base hit at back-to-back walks at palitan ni Mary Luisse Garde sa full base, dito na sinimulan ang two-run play ng host team upang lumapit sa 3–2, na ayon sa Philippines coaching staff, ay nangyari sa pamamagitan ng mga tawag ng Chief Umpire na sadyang pumabor sa host team na nagsimula nang umalagwa sa fourth.
“Ang taas ng tawag sa atin ng strike lalo na sa mga malakas natin pumalo tapos panay ang palakad sa kalaban kaya din na alam ng pitcher natin kung paano pupukol,” saad ni head coach Anna Santiago. “’Di bale babawi tayo kaya natin iyan may two games pa naman pero must win pareho para pumasok sa top 2 ng Pool A.”
Ayon kay Manila Little League Philippines President Rafael “Che” Borromeo, kailangan nilang kalabanin ang lahat ng koponan sa single-round robin tournament hanggang noong 2012, ngunit sa ngayon ay hinati ang 10 teams sa dalawang grupo kung saan ang top 2 ang aabante.
“We have been bracketed with two teams from host Delaware, one of which is the defending champion and also with last year’s runner-up Puerto Rico,” ayon kay Borromeo. “Although the bracketing by organizers is obviously unbalanced, we just want a level and fair playing field for our team during games, free from biased calls by officials since we came here 8,390 miles away, farthest of all, to play fair and to win.”
Napigilan ang Filipinas sa iskor at sadyang na-struck out bawat isa sa ikalima at ikaanim na innings, habang nadismaya si pitcher Garde dahil sa mga tawag upang maipagkaloob ang triple hit at dalawang walks para sa full base sa Delaware at run mula sa catching error ni Niloban sa fifth, 3–3.
Sa sixth inning, nagkaroon ang host team ng kabuuang 7 runs para sa 3-10 iskor.