Nalasap ng Philippine Men’s Chess Team ang unang kabiguan sa powerhouse Ukraine, 1-3, habang naitabla naman ng Women’s Team ang laro laban sa Poland, 2- 2, sa pagpapatuloy ng 41st Chess Olympiad sa Tromso, Norway.

Nalasap ni GM John Paul Gomez (2526) ang ikalawang sunod na kabiguan sa Board 2 kontra kay GM Ruslan Ponomariov (2717) habang hindi nakayanan ni FIDE Master Paolo Bersamina (263) ang matitinding atake ni GM Alexander Moiseenko (2707) upang mabigo sa Board 4.

Nakuha naman ng 52nd seed na Pilipinas ang tig-kalahating puntos mula sa Board 1 sa pakikipagtabla ni GM Julio Catalino Sadorra (2590) kontra kay GM Vassily Ivanchuk (2744) at sa 62-anyos at nasa rekord na 22-beses na paglalaro sa torneo na si GM Eugene Torre (2438) kay GM Anton Korobov (2680) sa Board 3.

Sunod na makakasagupa ng Pilipinas, nahulog sa ika-85 puwesto sa kabuuang 13 puntos matapos ang ikatlong round, ang 56th seed na Finland na binubuo nina GM Tomi Nyback Tomi (2591), IM Mika Karttunen (2437), IM Mikael Agopov (2431), IM Vilak Sipila (2425) at FM Daniel Ebeling (2445).

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Umangat naman sa 5th place ang 43rd seed na PH Women’s Team sa pagtala ng kabuuang 9.5 puntos matapos ang ikatlong round sa pakikipagtabla sa 8th seed na Poland. Nangunguna ang Iran sa 12 puntos.

Nakipaghatian ng puntos si WIM Chardine Cheradee Camacho (2214) sa Board 1 kay GM Monika Socko (2470) gayundin si WFM Janelle Mae Frayna sa Board 2 kay WGM Jolanta Zawadzka (2398).

Nagawa naman ni Jan Jodliyn Fronda (2098) na magwagi sa Board 3 kotnra kay WGM Karina Szczepkowska-Horowska (2380) subalit nabigo naman si WIM Catherine Perena sa Board 4 kontra kay WGM Marta Bartel (2359) upang maghati sa tig-dalawang puntos.

Susunod na makakalaban ng Pilipinas ang 11th seed na Spain na may naitala lamang na walong puntos.

Ang Spain ay binubuo nina IM Sabrian Vega Gutierrez (2395), IM Olga Alexandrova (2424), IM Ana Matnadze (2385), WIM Amalia Aranaz Murillo (2314) at WIM Yudania Hernandez Estevez (2258).