Kapwa naitala ng nakaraang taong finals protagonists De La Salle University (DLSU) at National University (NU) ang kanilang ikalimang dikit na panalo matapos gapiin ang kanilang mga katunggali sa UAAP Season 77 women’s basketball tournament sa Blue Eagle Gym sa Quezon City.

Nagsalansan ang reigning champion Lady Archers ng 15 puntos na bentahe sa third period na nagsilbing pundasyon ng kanilang 48-39 panalo kontra sa Ateneo, habang rumatsada naman sa second half ang Lady Bulldogs para gapiin ang Far Eastern University (FEU), 56-40.

Sa iba pang mga laban, sinorpresa ng season host University of the East (UE) ang Adamson University, 54-53, sa overtime, habang nakuha namang ungusan ng University of Santo Tomas (UST) ang University of the Philippines (UP), 44-43, para makalikha ng five-way tie sa ikatlong puwesto.

Nagtulungan sina Cassandra Santos, Trisha Piatos at Nicole Garcia na umiskor ng pinagsanib na 15 puntos para sa Lady Archers nang kanilang itayo ang 44-29 bentahe sa third period.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Nawalan ng saysay ang ipinoste ng Lady Eagles center na si Danica Jose na double-double 17 puntos at 22 rebounds matapos na masadlak ang kanyang koponan sa ikatlong kabiguan sa loob ng limang laban.

Tumapos si Kristine Abriam ng 16 puntos habang nagdagdag naman si Afril Bernardino ng 10 puntos at 10 rebounds para sa Lady Bulldogs na nagawang burahin ang 20-16 kalamangan ng Lady Tamaraws sa halftime.

Nakuha namang ma-isplit ni Ruthlaine Tacula ang kanyang free throws sa huling 17 segundo ng laro bago naglatag ng matinding depensa kontra sa Lady Falcons ang Lady Warriors sa endgame para makamit ang panalo.

Nagtapos na top scorer si Tacula na may 13 puntos at 12 boards.

Sa kabila ng iisa lamang nilang field goal sa huling 3:17 ng laro na ibinuslo ni Kristine Siapoc, nagawa pa ring talunin ng Tigresses ang Lady Maroons na nanatiling walang panalo sa limang laro.

Bunga ng tagumpay, nakapuwersa ang UE at UST ng five-way logjam sa ikatlong posisyon kasama ng Ateneo, Adamson at FEU na may tig-2-3 (panalo-talo) baraha.